maka relate ka kaya?
kaninang umaga pa ako may $4 sa bulsa ko. kating-kati na ang mga paa kong lumakad papuntang starbucks. hayok na ang lalamunan kong madaanan ng mainit-init na cafe latte. pero di pa rin ako bumibili, alas onse na. sinusubukan kong wag bumili. kinukumbinsi ko ang sarili kong hindi maganda ang kape sa katawan at lalong di maganda ang starbucks sa bulsa. maraming mas mahalagang mga bagay.
ba't ba bibili pa ako ng starbucks cafe latte? gusto ko lang magising? meron naman akong saging sa bag. siguradong magigising ako pag kinain ko yon, healthy pa. lalo pag di ko gano nginuya at mabulun bulunan ako, magigising akong talaga. o kaya naman pwede akong makinig ng tugtog habang nagtatrabaho, nakakagising din yon. parang feel ko ngang mag gin blossoms. pwede rin akong tumayo dito at maglakad lakad sa opisina o kahit sa labas, may araw naman ngayon. malamig nga lang...brrrr. o tubig kaya, pwede akong uminom ng maraming maraming tubig hanggang sa maihi ako. o kaya naman pagtiyagaan ko nalang ang kape dito sa opisina, kape pa rin naman yon kahit lasang buhangin.
para kasing di ako mapakali, di makapag trabaho, kung saan-saan napapatingin ang mga mata ko, di maka pokus. alam kong cafe latte ang sagot. pero kaya ko ito. hindi ako bibili. ano naman kung wala akong magawang trabaho? wala namang nakikialam sa akin dito. tatambak lang naman ito, gagawin ko nalang sa lunes. sa lunes pwede na ako bumili ng latte, simula palang ng linggo yon.
hikab na ako ng hikab, lumilingon na sa akin ang mga kaopisina ko, mga umiiling, ngumingiti. nagluluha na ang mga mata ko, di na ako makakita. naduduling na yata ako. tumutulo na ang sipon ko. panay na ang singhot ko. parang makati ang tenga ko, ulo ko at pati alak-alakan ko. sandali nga, tatayo nga muna ako dito. bili lang ako ng kape sa starbucks.