Showing posts with label Mga Kwentong Canada. Show all posts
Showing posts with label Mga Kwentong Canada. Show all posts

Wednesday, November 16, 2011

Meron akong itlog sa bulsa

Nasa klase ako, alas sais ng gabi. Sobrang haba ng araw ko ngayon. Gumising ako ng alas syete y media, umalis ako ng bahay ng alas otso, nagsimula mag trabaho ng alas nuwebe. Pagkatapos ng trabaho ng alas singko, diretso naman sa eskwela. Kung bakit ba kasi ginagawa ko ito sa sarili ko.

Di ko napaghandaan ng husto ang araw ko ngayon, kaya siguro ako sobrang pagod. Kung anu-ano lang ang dala kong pagkain para di ako gutumin. Isang latang tuna, tinapay, 2 hiwa ng keso, isang hiwa ng maliit na pizza. Ito na ang pagkain ko para sa buong araw. Buti nalang nung paalis na ako ng opisina ay inalok ako ng isang kaibigan ng nilagang itlog. Syempre tinaggap ko. Natakot akong magutom dahil nakain ko na ang tuna, pizza, at tinapay sa pananghalian. Kaunting tinapay at keso nalang ang natitira ko pang hapunan.

Dumating ang alas sais ng gabi, nagsasalita pa ang titser. Gutom na ako, gutom na gutom. Naalala ko ang itlog na bigay sa akin. Kinuha ko sa bag at inilagay sa bulsa ng pantalon ko. Kailangang makita ko ang tamang tyempo para basagin at balatan ang itlog. Pupwede namang kumain sa klase kahit anong oras. Yun nga lang medyo nakakahiya naman kung sa gitna ng pagsasalita ng titser ay may bigla nalang mababasag. Hintay lang ng kaunti, darating din ang tamang oras. Gutom na ako!

Balatan ko kaya ito sa bulsa ko? Parang tanga nga lang ako nun, bigla nalang akong kakain ng nilagang itlog, baka magtawanan ang mga kasama ko sa mesa. Hay! Pangalawang klase ko palang ito sa walong kailangan kong tapusin para magkaroon ng diploma sa pagtuturo. Kung pwede lang kunin ito online, gagawin ko. At least nasa bahay lang ako, hindi ako aabutin ng ganitong gutom. Kaso lang kailangan kong tapusin ito agad, wala ng panahong maghintay ng online. Kung kailangang pasukan, papasok ako sa eskwela, matapos lang.

Pitong taon na ako dito sa Canada. Labing anim na taon na akong nagtatrabaho sa Accounting. Nung isang taon ko lang napagdesisyunang mag aral at lumipat ng linya, lumipat sa pagtuturo. Matagal ko ng naiisip gawin ito. Naghintay lang ako ng tamang panahon kaya inabot ako ng napakaraming taon. Sana ginawa ko ito noon pa. E di sana titser na ako ngayon. Yun talaga ang gusto kong gawin. Sa tingin ko doon ako sasaya.

Tuloy pa rin ang diskusyon ng titser ko at ng mga kaklase ko. Ang hirap kapag titser din ang mga estudyante. Ayaw magsitigil magsalita, di tuloy ako makakuha ng tyempo. Itlog, itlog, gusto na kitang kainin.

Maging masaya nga kaya ako sa pagtuturo? Di ko naman masasagot yan hanggat di ko ginagawa kaya sige nalang. Sa tingin ko, mas mabuti na ang umaaksyon kesa walang ginagawa. Kung magkamali, e di aral nalang ulit ng iba. Di ko nalang talaga makakayanan ang accounting ng isa pang taon. Ginagapang ko ngang talaga ang pag aaral na ito. Wala na akong pang enrol pero sige lang. Iutang, ibenta ang pwedeng ibenta, ipilit i file ng reimbursement sa opisina. Wish ko lang ay aprubahan na.

Kahihintay ko ng tamang panahon para kainin ang itlog, dumating ang alas syete y media, break time na. Magbabanyo muna ako bago kumain. Tutal labinlimang minuto ang break time, kakain ako pagbalik ko galing sa banyo. Biruin mo, dose oras na akong gising, at mahaba pa ang gabi. Pagdating ko sa bahay ay magliligpit pa ng kusina, magluluto pa ng pagkain para bukas, yan ay kung may hapunan na. Kung wala ay magluluto pa ako ng hapunan. Buhay Canada nga naman. Kung sa Pinas 'to pagdating ko kain at tulog nalang.

Sa wakas, tamang oras na para kainin ang pinaka aasam kong nilagang itlog. Nilatagan ko ng tissue ang parte ko ng mesa, nilabas ko ang itlog sa bulsa at dahan dahan kong pinukpok sa ibabaw ng mesa. Ngek, nabiyak ang itlog. Hindi lamang ang balat kundi ang buong itlog. Buti nalang may tissue. Hindi naman pala hard-boiled ito, malasado. Huhuhu. Di ko kayang kainin ito. Parang malansang hilaw na itlog. Wahaha. Mamamatay yata ako sa gutom ngayong gabi. Pagkatapos kong asam asaming kainin ang itlog na ito, di ko naman pala makakain. Bumili kaya ako sa kantin ng pagkain? Huli na, matatapos na ang labinlimang minutong break. Kasi naman, naghintay hintay pa ako. Kung biniyak ko na ito kaninang alas sais, e di alam ko na sanang wala akong pagkain, e di sana napagplanuhan kong pumunta ng maaga sa kantin. Di bale, mabubuhay naman ako sa kaunting tinapay at katiting na keso. Isang oras pa bago mag uwian, isang oras pa ulit bago ako makarating sa bahay. Waaah.

Pareho nga rin ng pag-aaral ko ang itlog. Naghintay hintay ako ng tamang panahon, inabot ng napakaraming taon. Sana ginawa ko kaagad nung malaman kong ito ang gusto kong gawin. Sana lang maging masaya ako sa pagtuturo pag natapos ko ito. Sana di tulad ng itlog na di ko nakain.

Sunday, October 07, 2007

cafe latte

maka relate ka kaya?

kaninang umaga pa ako may $4 sa bulsa ko. kating-kati na ang mga paa kong lumakad papuntang starbucks. hayok na ang lalamunan kong madaanan ng mainit-init na cafe latte. pero di pa rin ako bumibili, alas onse na. sinusubukan kong wag bumili. kinukumbinsi ko ang sarili kong hindi maganda ang kape sa katawan at lalong di maganda ang starbucks sa bulsa. maraming mas mahalagang mga bagay.

ba't ba bibili pa ako ng starbucks cafe latte? gusto ko lang magising? meron naman akong saging sa bag. siguradong magigising ako pag kinain ko yon, healthy pa. lalo pag di ko gano nginuya at mabulun bulunan ako, magigising akong talaga. o kaya naman pwede akong makinig ng tugtog habang nagtatrabaho, nakakagising din yon. parang feel ko ngang mag gin blossoms. pwede rin akong tumayo dito at maglakad lakad sa opisina o kahit sa labas, may araw naman ngayon. malamig nga lang...brrrr. o tubig kaya, pwede akong uminom ng maraming maraming tubig hanggang sa maihi ako. o kaya naman pagtiyagaan ko nalang ang kape dito sa opisina, kape pa rin naman yon kahit lasang buhangin.

para kasing di ako mapakali, di makapag trabaho, kung saan-saan napapatingin ang mga mata ko, di maka pokus. alam kong cafe latte ang sagot. pero kaya ko ito. hindi ako bibili. ano naman kung wala akong magawang trabaho? wala namang nakikialam sa akin dito. tatambak lang naman ito, gagawin ko nalang sa lunes. sa lunes pwede na ako bumili ng latte, simula palang ng linggo yon.

hikab na ako ng hikab, lumilingon na sa akin ang mga kaopisina ko, mga umiiling, ngumingiti. nagluluha na ang mga mata ko, di na ako makakita. naduduling na yata ako. tumutulo na ang sipon ko. panay na ang singhot ko. parang makati ang tenga ko, ulo ko at pati alak-alakan ko. sandali nga, tatayo nga muna ako dito. bili lang ako ng kape sa starbucks.

Monday, April 02, 2007

BUS

Naiwan na naman ako ng bus. Araw-araw nalang akong naiiwan. Mag tatatlong taon na ako dito sa Canada di ko pa rin makasanayang may oras ang bus at dapat tumama ako sa oras kundi maghihintay ako ng susunod. Hay! Nakita ko pa namang parating ang bus ko pero patawid palang ako ng kalye papunta sa bus stop. Kung maaga-aga ako ng kalahating minuto, inabot ko sana.

Di bale, limang minuto lang naman akong maghihintay. Marasap ang panahon pag ganitong parating na ang tagsibol. Di ganong malamig at di rin naman mainit. May maliliit na ring cherry blossoms sa mga punong kinalbo ng taglamig. Meron nga ba o imahinasyon ko lang sa kagustuhan kong bumilis ang pagdating ng Spring?

Isa pa, ang paghihintay ng bus ay isa sa mga iilang pagkakataong nakakapag-isa ako ng tahimik, walang pressure, walang kailangang gawin kundi tumanga at maghintay. Maganda sana ang panahon, magaan sana sa kalooban kaso lang nalaman ko kahapon na may cancer ang isang kaibigan, 30 years old. Tama ba yon? Sabi ng doktor magagamot naman daw ng chemotherapy at operasyon. Pero kahit na, masyadong nakakagulat. Masyadong hindi inaasahan. Masyadong malayo sa plano, sa akala naming mangyayari. Iniisip ko tuloy, ano kaya ang gugulat sa buhay ko sa mga susunod na araw, linggo, buwan, taon? Nakakapanghina.

Tinanong ako kahapon ng bunso kong 5 taon kung bakit umiikot ang mundo. Natigilan ako ng sandali, di ko alam ang isasagot. Sabi ko nalang, yun kasi ang nagbibigay ng panahon para malaman ng mga tao kung gabi na, o lumipas na ang isang araw, isang linggo, isang buwan o isang taon. Para malaman namin kung birthday na nya at tatanda na sya ng isa pang taon.

Ba’t tatanda tuwing birthday? Kasi nakalipas na ang isang taon. Bakit tatanda bawat taon? Di ko alam e, ganon talaga yon, habang lumilipas ang mga araw, tumatanda ang mga tao.

Sa loob loob ko, di lang tumatanda, nagkakasakit, namomroblema, namamatay din. O minsan naman di ganong namomroblema, nakikibagay nalang sa mga pangyayaring di inaasahan sa paglipas ng panahon.

O baka naman di pag ikot ng mundo ang nagbibigay ng panahon. Baka panahon ang dahilan ng pag ikot ng mundo. Baka di tumatanda ang tao dahil lumilipas ang panahon. Baka lumilipas ang panahon dahil tumatanda ang tao. Baka di naman ganon kasama ang pagkakaroon ng cancer, baka daan yon para mangyari ang ibang mas mahalagang bagay. Kanya-kanyang pananaw nga lang naman sa buhay.

Baka di ako naiwan ng bus. Maaga lang yata ako para sa susunod.

Not too bad. Thanks.

Dati-rati kapag naririnig ko ang sagot na ito galing sa mga Canadians, iniisip ko, ano namang klaseng sagot yon? Anong ibig sabihin ng Not too bad? Di sobrang sama?

Nung bago ako dito, ang alam ko lang isagot sa How are you? ay I’m fine. Thank you. At sinasabi ko yan exactly how I used to say it nung pinapraktis ako ng Mommy ko para isali sa Little Miss Philippines. :-)

Habang tumatagal, unti-unti kong naiintindihan ang mga Canadians pati ang sagot nilang ito. At natuto na rin akong gamitin ang sagot na yan ngayon kahalili ng: I’m very well, I’m doing great, at kung anu- ano pa. At di lang yan. Bukod sa thank you, nakakapagsabi na rin ako ng How about you? Ang laki na ng improvement ko di ba. Medyo matagal kasi bago ako nasanay na lahat ng makasakay ko sa elevator kahit di ko kilala ay tatanungin ako ng How are you? Lahat ng makausap ko sa telepono, ang bungad How are you? Minsan pati bus driver, katabi sa train, kasalubong, lahat yata ng tao. Di ko mabilang kung ilang beses ako natatanong nyan sa isang araw. At dahil pinipilit kong maging tapat, itinigil ko na ang I’m fine. Thank you. at iniisip ko pa talaga kung ano ang kalagayan ko bago ako sumagot. Kaso lang pag sa elevator, bababa na ang kausap ko di pa ako nakakasagot at di ko pa sya natatanong ng How about you?

Ang buhay nga naman sa ibang bansa, ang daming maliliit na bagay na dapat makasanayan. Mabuti na nga lang at sanay ako sa hirap sa Pilipinas kaya naman lahat ng bagay ay good sa akin dito. Tulad ng simula ng winter na ito, nag snow ng dalawang araw at di natunaw ang snow sa kalye ng isang linggo. Bihira yan dito sa Vancouver. Kadalasan, isang araw lang mag i-snow sa buong winter tapos matutunaw na rin kinabukasan. Kaya naman ang mga tao ay talagang pinag usapan ang lagay ng panahon. Sabi nila mahirap maglakad papunta sa bus stop, malamig, mahirap mag drive, etcetera etcetera. (Mas mahirap maglakad pauwi sa Cubao mula sa hanggang bewang na baha sa Espana. Mas challenging mag drive na nakalubog sa tubig ang tambutso at di pwede bumitaw sa silinyador.) At dahil nga nag snow, delayed ang skytrain. Usapin na naman. Kesyo 30 minutes ang hintay. (Dalawang oras nga ang pila sa shuttle terminal sa Makati.) Punong puno din ang bus, siksikan dahil mabagal ang biyahe. (Di naman ganong puno, wala namang nang cha-chancing at wala ring na ho-hold-up. Tsaka di tulad ng jeep, wala pa namang sabit. Di pa rin sa bintana dumadaan ang mga pasahero at di pa nag ra-round trip. Di kasing hirap ng pagsakay noon ng jeep papuntang Montalban!)

Ang Vancouver ay kilala sa pagkakaroon ng mild weather buong taon. Ngayong winter pagkatapos ng snow, storm naman. Talagang malaking kontrobersya, laman ng lahat ng dyaryo. Ang lakas daw ng ulan at hangin. (Ambon lang yan sa Pinas. Anong hangin e wala namang lumilipad na bubong. Bagyo ba yan?)

O bakit nga ba sila sumasagot ng Not too bad? Bakit di nalang Not good kung hindi naman mabuti ang kalagayan nila? Dahil alam ng mga Canadians na mas maswerte sila kaysa sa napakaraming tao sa mundo. Tulad ko, ang karaniwang tao dito ay migrant o anak ng migrants. Mas mahirap ang buhay sa bansang pinanggalingan nila. Kaya nga sila nandito. Ito ang dahilan ng sagot nilang Not too bad. Kahit anong kalagayan, pinag-uusapan lang pero di nagrereklamo. Alam nilang mas malala ang kalagayan ng mas maraming mga tao sa ibang mga lugar.

At dahil naiintindihan ko na ito, ganyan na rin ang sagot ko ngayon. Walang araw na sobrang sama para sumagot ng Not good o Terrible. Kahit homesick ako, hangga’t may pagkain ang pamilya ko at walang nakamamatay na sakit, I’m not too bad. Thanks. You?

Thursday, January 25, 2007

May Lunar Eclipse Ba?

Yan ang unang naisip ko nang lumabas ako sa Manila International Airport. Ang dilim yata, wala namang nagsabing may eclipse. Ah, baka dahil may bagyo. Mahangin pero mainit. Nanlalagkit ang leeg ko, nararamdaman kong kumikintab ang mukha ko at pinapawisan ang kili-kili ko. Mga bagay na dalawang taon ko ng di nararanasan.

Nakita ko ang mga kapatid ni Ramil at si Alex. Sa wakas, nakauwi rin kami. Nalimutan ko ang lahat ng ibang bagay.

Papunta sa sasakyan muntik akong madulas. Basa nga ang kalye at bumabagyo. Pero parang putik yon.

Sa Adventure walang humpay na kwentuhan. Naghahahighikan ang mga anak ko sa likod. Mga babae nga naman, ke haharot. Tinanong ko kung bakit, natatawa sila sa dami ng lubak sa kalye, para raw kaming nakasakay sa roller coaster. Pinilit kong ngumiti kahit kinakabahan ako dahil walang seatbelt ang jumper seats at kalong lang sila.

Tuloy ang kwentuhan. Ayokong tumingin sa kalye, masyadong malalapit ang mga sasakyan, maraming tumatawid, walang guhit ang Edsa. Buti nalang mabagal ang takbo dahil trapik. Ang bilis ng tibok ng dibdib ko, aatakihin yata ako sa puso. Sasama pa yata ako kay Nanay sa libingan. Sya ang dahilan ng pag-uwi namin.

Pagdating sa punerarya nandun ang mga kapatid ko. Tatlo sa siyam at isang hipag. Kaunti yata yon. Samantalang si Ramil kumpleto ang anim na kapatid. Ang isa ay galing pa sa Australia. Pero di bale, mabuti na ang apat kaysa sa wala. At talaga namang hinintay nila ako, alas onse na. Nakakaiyak. Wala na ang mga magulang ko. Dalawang taon lang akong nawala, nawala na rin sila. Tuloy ang kwentuhan.

Alas dos ng umaga, umuwi muna kami. Kailangang matulog at magpahinga ng mga bata. Kailangan naming maligo pagkatapos ng 16 na oras sa biyahe. Walang pinagbago ang bahay nila Ramil na tinirhan ko ng lagpas anim na taon. Ganun pa rin. Pero pagpasok namin, nagkatinginan kaming mag-asawa. Parang lumiit ang bahay, bumaba ang kisame. Wala bang mas maliwanag na bumbilya? Tuloy pa rin ang tsikahan.

Dinagsa ng tao na burol. Lasing si Ramil gabi-gabi. Walang patumanggang kwentuhan. Walang tulugan hanggang sa pangatlong araw na bumagsak nalang kaming dalawa sa sopa at di na nagising hanggang hapon.

Nailibing si Nanay. Oras na para sulitin ang matagal naming inasam na pagbabalik sa Pilipinas. Tatlong linggo lang. Tatlong linggo sa bansang kinalakihan. Inubos namin ang lahat ng oras sa pakikipagkita sa mga kamag-anak, sa mga kaibigan. Pakikipagkwentuhan, pagsasalu-salo sa pagkaing nagbabalik ng maraming mga magagandang alaala.

Madilim, masikip, marumi, maputik, mainit, malagkit, malubak, matrapik. Yan ang Pinas sa mga mata ko pagkatapos ng dalawang taon ko dito sa Vancouver. Sa kabila ng lahat ng yan, sa puso ko, alam kong dun pa rin ako sasaya. Sa piling ng mga mahal ko sa buhay. Bakit ba kasi kami nandito sa Canada? Alam ko ang mga dahilan pero ayokong isipin.

Ibalik nyo na ako sa Pilipinas!

Thursday, December 14, 2006

PASO

Akala nila naglaslas ako ng pulso. Nababasa ko sa mga mata ng mga kaopisina ko pag tinatanong ako kung anong nangyari sa braso ko. Mayroon kasi akong sugat sa may pulso, sa kanan, sing laki ng piso. Gusto ko sana mag long sleeves araw-araw para wag nila makita. Wala nga lang akong ganon karaming long- sleeved blouses. Di ko rin naman malagyan ng benda dahil tatagal matuyo ang sugat. Ang hirap kasing ipaliwanag sa ingles na ang nangyari ay natalsikan ako ng mantika habang nagpiprito ako ng bangus, lumobo ang balat, nabalatan at naging sugat.

Simple lang naman sana kaya lang pag sinabi ko na ang dahilan, lalo silang naguguluhan. Natitigilan sila, natutulala, para bang naghihintay ng susunod pang paliwanag. Ang mga tanong nila. Wala ka bang deep fryer? Anong klase ba ang milkfish bakit tatalsik ng ganon kalakas? Bakit ka naman kakain ng pritong isda, ba’t di mo i-bake, mas healthy yon. Traditional Filipino food ba ang pritong bangus? Di ka ba sanay magluto at naaaksidente ka ng ganyan?

Kaya naman durugtungan ko pa ang kwento ng aksidente. Wala kasi akong deep fryer. Ganon talaga ang milkfish, matalsik pag pinirito. Masarap ang isda kasabay ng ginisang gulay at oo traditional Filipino food yon. Sadyang di ako sanay magluto dahil bago lang ako dito sa Canada at sa Pilipinas ay meron kaming tagaluto. Lalo kamong humahaba ang usapin pag sinabi ko na ang paliwanag na yan.

Wala kang deep fryer? Bakit di ka bumili, mura lang yon. Milkfish? Bakit di mo subukan ang salmon o halibut o cod, masarap yon pag baked o smoked. Anu-ano pa ba ang traditional Filipino foods? May tagaluto ka sa Pilipinas, talaga, as in cook?

Oo na nga bibili ako ng deep fryer. Di ko kasi kilala ang halibut o salmon o codfish, pero susubukan ko. Iba-iba ang Filipino foods, maraming may Chinese influence. Oo meron kaming tagaluto, tagalaba, tagaplantsa, tagalinis, at meron pang driver. Alam ko na, na sa oras sabihin ko ang huling pangungusap na yan, lalaki ang mga mata nila at lalong hahaba ang usapan.

Di sila makapaniwala na di ako sanay gumawa ng gawaing bahay dahil merong gumagawa ng lahat para sa akin sa Pinas. Siguro dahil di naman ako mukhang mayaman. Di nila maintindihan kung papanong pupwedeng magkaroon ng ganon karaming empleyado ang ordinaryong tao sa Pilipinas. Nagugulat din sila, di ba modern slavery yon? Okay lang ba ako ngayon dito sa Canada na ako na ang gumagawa ng lahat para sa pamilya ko? Hindi ko ba nami-miss ang ganong masarap na buhay?

By this time, limang minuto na akong tumigil magtrabaho para makipagdaldalan. At di pa tapos yan, ipaliliwanag ko pa. Hindi naman modern slavery yon, mura ang labor sa Pilipinas kaya pwede yon, at tulong yon para makaahon sila sa hirap, makapag aral ang mga anak nila. Nahihirapan ako ngayon pero kakayanin ko. At oo na mi-miss kong umuwi ng bahay na may kakainin na ako, natutuyo ang utak ko kakaisip kung anong lulutuin sa buong linggo, nasusuka ako sa daming beses maghugas ng pinggan sa loob ng isang araw, sumasakit ang likod ko sa pag saksak ng labahan sa washer at paglipat sa dryer at nabubwisit ako magtupi ng napakaraming damit, at higit sa lahat naaasar ako maglinis ng banyo. Pero syempre di ko naman sinasabi ang huling parte na yan, naiisip ko lang.

Dyan natatapos ang usapin ng paso ko. Pero isang tao palang yan, sa loob ng isang araw, higit sa lima ang magtatanong. Magpa press conference kaya ako? O di kaya'y magpadala ako ng mass email para ipaliwanag ang sugat ko? Pero syempre iba pa rin ang personal na pag-uusap. Nakawiwiwiling makita ang reaksyon ng mga tao dito sa Canada, lalo na sa usapin ng kasama sa bahay. Para silang nagugulat at nagtataka pero naiinggit at nalilito.

Sigurado akong nadagdagan ko ang mga maikukwento nila sa mga kaibigan nila at napalawak ko ang isip nila na mayroong buhay na iba sa pamumuhay nila dito.

Tuesday, December 12, 2006

MUG

This is a very nice mug. Sabi ng barista sa starbucks.

Yes it is. Thanks. It’s my favourite. Sabi ko naman. Kahit saan ako magpunta, palaging binabati ang travel mug kong ito.

Is this from Starbucks? Sabi nya ulit habang tinitignan paikot ang mug, pati ang ilalim.

Yup!

Talaga bang gusto nyang ituloy ang usapang ito? Gusto nya bang sabihin ko sa kanya kung gaano ko ka paborito ang basong ito na di ako nakakatulog sa gabi pag di ko maisip kung saan ko ito naiwan? O minsan muntik ako masagasaan dahil hinabol ko ang mug nung mahulog at gumulong sa kalye? O na may pasa ako sa gilid ng tuhod ko sa kaliwa dahil nung nag snow nung isang araw at nabitiwan ko ang mug, sinalo ko ng madalian para wag mahulog sa snow, wag tumama sa semento at mabasag, humampas tuloy sa tuhod ko? Gusto nya ba talaga malaman ang mga ka 'aningan ko sa buhay?

Oh and it says Kobe. Is that a place? Is that where you got it?

No, that’s my name and I want my latte now!!!! Please…

Syempre di yan ang sinabi ko. Ito talagang mga Canadians na ito, ang hilig makipag small talk. Siguro wala silang makausap sa mga bahay nila. Samantalang sa atin sa Pinas, pag kinausap ka ng di mo kilala, lalo na pag opposite sex, sa isip mo may gusto na yon sa'yo. O ako lang ang nag iisip non? Hehe. Akina ang kape ko!

Yes, Kobe in Japan. I got it there in 2000, um… six years ago.

Six years na ba yon? Aba parang kelan lang yon ah. Sobrang bilis naman. Anong nangyari sa nakalipas na 6 na taon? Me nangyari ba sa buhay ko mula ng binili ko ang mug na yan? Hmmmm...

Tall latte in a very cool cup. Thanks. See yah tomorrow!

Sa wakas ang kape ko!!!!

Thanks. See yah.

Nabagabag tuloy ako. Anim na taon na ba? Ganon lang ba kabilis lumipas ang anim na taon? Ano na ba ang nangyari sa buhay ko sa nakaraang anim na taon na yan? Wala nga ba?

2000 - Got my first car - ay! loaned my first car pala
2001 - Iniluwal ko ang pangatlo kong anak
2002 - Isinubmit ang application for migration to canada
2003 - Tumigil ang buhay ko habang naghihintay ma-approve ang aming application
Napagtanto ko na ayoko ang Accounting, hindi ko medyo ayaw, nasusuka talaga ako
2004 - Lumipat sa Canada
Namatay si Mommy
2005 – Got my 1st and 2nd job in Canada
Namatay si Tita Tess
2006 – Namatay si Dad
Namatay si Nanay, ang aking mother in law, my second mom
Nag gain ako ng 20lbs – Kelan nga ba nangyari ito?#?@
Nag mature ako ng 100% - I think
Tumanda ako ng 6 na taon.

Napakarami palang nangyari sa buhay ko nung nakaraang anim na taon. Baka mas marami pa sa mangyayari sa buong buhay ng ibang tao. Maraming nawala, maraming nabago, masyadong eventful. At naisip ko ang lahat ng ito dahil sa aking Starbucks mug.

Kahapon ko nakausap ang Barista. Nang bumili ako ng latte kanina, sa disposable cup ako uminom. Naiwan ko kasi ang mug sa kotse at dala ni Ramil ang kotse. Kaya nang sinundo ako, agad kong kinuha ang mug at hinugasan. Nabitiwan ko, nabasag. Ironic di ba? Parang buhay. Pagkatapos kong maisip ang kahalagahan ng bagay na ito sa buhay ko, nawala sya.

Ngayon tuloy kailangan ko ng bagong mug. Sigurado akong makakahanap ako ng bagong paborito, pero di ko malilimutan ang aking unang Starbucks mug, na binili ko sa Kobe Japan, nung 2000.