Thursday, January 25, 2007

May Lunar Eclipse Ba?

Yan ang unang naisip ko nang lumabas ako sa Manila International Airport. Ang dilim yata, wala namang nagsabing may eclipse. Ah, baka dahil may bagyo. Mahangin pero mainit. Nanlalagkit ang leeg ko, nararamdaman kong kumikintab ang mukha ko at pinapawisan ang kili-kili ko. Mga bagay na dalawang taon ko ng di nararanasan.

Nakita ko ang mga kapatid ni Ramil at si Alex. Sa wakas, nakauwi rin kami. Nalimutan ko ang lahat ng ibang bagay.

Papunta sa sasakyan muntik akong madulas. Basa nga ang kalye at bumabagyo. Pero parang putik yon.

Sa Adventure walang humpay na kwentuhan. Naghahahighikan ang mga anak ko sa likod. Mga babae nga naman, ke haharot. Tinanong ko kung bakit, natatawa sila sa dami ng lubak sa kalye, para raw kaming nakasakay sa roller coaster. Pinilit kong ngumiti kahit kinakabahan ako dahil walang seatbelt ang jumper seats at kalong lang sila.

Tuloy ang kwentuhan. Ayokong tumingin sa kalye, masyadong malalapit ang mga sasakyan, maraming tumatawid, walang guhit ang Edsa. Buti nalang mabagal ang takbo dahil trapik. Ang bilis ng tibok ng dibdib ko, aatakihin yata ako sa puso. Sasama pa yata ako kay Nanay sa libingan. Sya ang dahilan ng pag-uwi namin.

Pagdating sa punerarya nandun ang mga kapatid ko. Tatlo sa siyam at isang hipag. Kaunti yata yon. Samantalang si Ramil kumpleto ang anim na kapatid. Ang isa ay galing pa sa Australia. Pero di bale, mabuti na ang apat kaysa sa wala. At talaga namang hinintay nila ako, alas onse na. Nakakaiyak. Wala na ang mga magulang ko. Dalawang taon lang akong nawala, nawala na rin sila. Tuloy ang kwentuhan.

Alas dos ng umaga, umuwi muna kami. Kailangang matulog at magpahinga ng mga bata. Kailangan naming maligo pagkatapos ng 16 na oras sa biyahe. Walang pinagbago ang bahay nila Ramil na tinirhan ko ng lagpas anim na taon. Ganun pa rin. Pero pagpasok namin, nagkatinginan kaming mag-asawa. Parang lumiit ang bahay, bumaba ang kisame. Wala bang mas maliwanag na bumbilya? Tuloy pa rin ang tsikahan.

Dinagsa ng tao na burol. Lasing si Ramil gabi-gabi. Walang patumanggang kwentuhan. Walang tulugan hanggang sa pangatlong araw na bumagsak nalang kaming dalawa sa sopa at di na nagising hanggang hapon.

Nailibing si Nanay. Oras na para sulitin ang matagal naming inasam na pagbabalik sa Pilipinas. Tatlong linggo lang. Tatlong linggo sa bansang kinalakihan. Inubos namin ang lahat ng oras sa pakikipagkita sa mga kamag-anak, sa mga kaibigan. Pakikipagkwentuhan, pagsasalu-salo sa pagkaing nagbabalik ng maraming mga magagandang alaala.

Madilim, masikip, marumi, maputik, mainit, malagkit, malubak, matrapik. Yan ang Pinas sa mga mata ko pagkatapos ng dalawang taon ko dito sa Vancouver. Sa kabila ng lahat ng yan, sa puso ko, alam kong dun pa rin ako sasaya. Sa piling ng mga mahal ko sa buhay. Bakit ba kasi kami nandito sa Canada? Alam ko ang mga dahilan pero ayokong isipin.

Ibalik nyo na ako sa Pilipinas!