Sunday, October 07, 2007

cafe latte

maka relate ka kaya?

kaninang umaga pa ako may $4 sa bulsa ko. kating-kati na ang mga paa kong lumakad papuntang starbucks. hayok na ang lalamunan kong madaanan ng mainit-init na cafe latte. pero di pa rin ako bumibili, alas onse na. sinusubukan kong wag bumili. kinukumbinsi ko ang sarili kong hindi maganda ang kape sa katawan at lalong di maganda ang starbucks sa bulsa. maraming mas mahalagang mga bagay.

ba't ba bibili pa ako ng starbucks cafe latte? gusto ko lang magising? meron naman akong saging sa bag. siguradong magigising ako pag kinain ko yon, healthy pa. lalo pag di ko gano nginuya at mabulun bulunan ako, magigising akong talaga. o kaya naman pwede akong makinig ng tugtog habang nagtatrabaho, nakakagising din yon. parang feel ko ngang mag gin blossoms. pwede rin akong tumayo dito at maglakad lakad sa opisina o kahit sa labas, may araw naman ngayon. malamig nga lang...brrrr. o tubig kaya, pwede akong uminom ng maraming maraming tubig hanggang sa maihi ako. o kaya naman pagtiyagaan ko nalang ang kape dito sa opisina, kape pa rin naman yon kahit lasang buhangin.

para kasing di ako mapakali, di makapag trabaho, kung saan-saan napapatingin ang mga mata ko, di maka pokus. alam kong cafe latte ang sagot. pero kaya ko ito. hindi ako bibili. ano naman kung wala akong magawang trabaho? wala namang nakikialam sa akin dito. tatambak lang naman ito, gagawin ko nalang sa lunes. sa lunes pwede na ako bumili ng latte, simula palang ng linggo yon.

hikab na ako ng hikab, lumilingon na sa akin ang mga kaopisina ko, mga umiiling, ngumingiti. nagluluha na ang mga mata ko, di na ako makakita. naduduling na yata ako. tumutulo na ang sipon ko. panay na ang singhot ko. parang makati ang tenga ko, ulo ko at pati alak-alakan ko. sandali nga, tatayo nga muna ako dito. bili lang ako ng kape sa starbucks.

Thursday, July 26, 2007

Matanda Na Ako

Lord grant me the serenity to accept the things I cannot change,
Courage to change the things I can,
And wisdom to know the difference.

Nakasulat ito sa isang maliit na kwadrong nakapaskil sa hagdan ng bahay namin nung bata pa ako. Mangilan-ngilan lang ang dekorasyon ng bahay namin. Kasama nito ang malaking kwadro ng peacock na nasa carpet, at syempre pa ang mga kabayo.

Sa pagkakatanda ko, regalo namin ang maliit na kwadrong ito sa Nanay ko sa isa sa mga kaarawan nya. Di ko alam kung anong ibig sabihin nito noon, nung mga sampung taon pa lamang ako . Pagkaraan ng mga limang taon, naintindihan ko rin pero di ko maisip kung bakit mo ito gagawin. Di ba ang buhay ng bawat tao ay kung ano ang ginusto niyang gawin sa buhay nya? Bakit tatanggapin mo nalang ang mga bagay-bagay? Bakit di mo baguhin sa lahat ng pagkakataon para umayon sa gusto mong mangyari? Labinlimang taon ako noon. Ideyalismo yata ang tawag don.

Ngayong treinta'y dos anyos na ako at nandito ako sa Canada , sobrang linaw na sa akin nito. Ito ang lagi kong dasal sa araw-araw. Masyadong maraming nangyayari sa buhay. Mahirap piliin kung ano ang dapat baguhin at kung ano ang dapat hayaan nalang mangyari. Maghihirap siguro ako sa buhay kung hindi ako kikilos at hahayaan ko nalang mangyari ang lahat ng bagay. Tatanda naman akong bigla kung panghihimasukan ko ang lahat para iayon sa gusto ko. Magkakasakit ako sa puso kung dadamdamin ko ang mga di kanais-nais na bagay na di ko mabago. It's hard to choose our battles. Pero sinusubukan ko sa abot ng aking makakaya. Habang sa likod ng isipan ko ay dinadasal ko ito.

Sa awa ng Diyos ay nabibitiwan ko naman ang mga tila di yata talaga dapat pakialaman. Natatanggap na rin ng kalooban ko ang mga pangyayaring di ko nagugustuhan sa pag-asang maiintindihan ko rin sa kalaunan ang dahilan.

Tumatanda na ako.

Ngayong nakabili na kami ng bahay sa wakas, pinaplano kong ipaskil din ang dasal na ito sa dingding. Gusto ko ring maisapuso ito ng mga anak ko. Kung saan at papaano ay hindi ko pa napag-iisipan. Baka sa isang maliit na kwadro sa may hagdan, nababasa araw-araw kahit hindi pa nila naiintindihan. Kalaunan ay maiisip din nila ang ibig sabihin nito at magiging mahalaga rin ito sa kanila. Liban nalang kung hindi yon ang dapat mangyari.

Wednesday, July 04, 2007

KALULUWA

Sabi nila makakabayad ka lang sa mga magulang mo kapag nakaroon ka na ng sarili mong anak. Dun mo lang daw maiintindihan at mararanasan lahat ng hirap at saya na idinulot mo sa iyong mga magulang.

Simula ng mamatay ang mga magulang ko, madalas ko silang napapanaginipan. Ipinagpamisa ko na sila tulad ng sabi ng marami para lang makasigurong tahimik ang kaluluwa nila. Hindi pa rin tumitigil ang mga panaginip. Madalas ko silang naaalala ultimo sa napakaliliit na mga bagay sa araw-araw.

Naaalala ko si Dad sa bigote ng mga mamang nasaasalubong ko sa kalye, nakakakasakay ko sa bus. Tama nga ang sabi nya noon, di sya mukhang Pilipino. Naaalala ko sya sa mga bibe sa ilog, marami syang alagang itik dati. Sa sili, nagtanim sya non. Sa pelikulang Back to the Future, para kasi syang mad scientist. Sa lotto, pinag-aralan nya't inambisyong manalo. Sa dentista dahil gumawa sya ng sarili nyang pustisong gawa sa goma ng tsinelas. Sa mga pagkain dito, mahilig syang kumain. Sa kape, sumbrero, salamin, balakubak, bubong, corned beef, toothbrush, nail cutter, kotse, pera, simbahan, sumpa, computer, at sa lahat ng bagay sa paligid ko. Nakikita ko sya sa sarili ko, nagpaplano para sa kinabukasan ng mga anak ko. Nagpaplano ng di sinasadya.

Naalala ko si Mom sa matamis nyang ngiting tila walang malalim na dahilan. Sa mga teacher dahil yan ang gusto nyang maging. Sa mga abogado dahil nag aral sya ng pre-law. Sa commercial ng Alzheimer's, nagkaron sya nyan. Sa sakripisyo sa mga anak, naranasan nya yan sa di na mabilang na mga pagkakataon. Sa pagbibigay sa kamag-anak, pagmamahal sa kapatid, katapatan sa asawa, pagmamahal sa magulang, sa pagbili ng bahay. Sa mga prutas na masarap nyang kinakain ng pakamay. Sa maayos na kuwarto, sinuklay na buhok, amoy at tunog ng dagat, duyan, floorwax, daster, deodorant, lipstick, sunglasses, politika, shopping, kurtina, bulaklak, ngipin. Sa pagyakap ng mga anak ko sa akin tulad ng pagyakap ko sa kanya noon. Naaalala ko sya tuwing pinangangaralan ko ang mga anak ko tungkol sa mga lalaki, tulad ng pag papangaral nya sa akin noon. Di rin siguro nila ako pakikinggan.

Dapat ko sigurong ipamisa ang sarili ko. Di ko sila malimutan kahit sandali. Di matahimik ang kaluluwa ko.

Wednesday, June 27, 2007

High School Blog

Bakit ba importante pa ang mga nangyari noon, labing anim na taon na ang nakakalipas? Di ba ang mahalaga ay ang ngayon, ang mga dapat gawin para maayos ang bukas? Ano ang silbi ng alaala ng mga lugar, tao at pangyayaring di mo na mababalikan?

Yan ang unang naisip ko nang mabasa ko ang mga blog tungkol sa high school. Ang tanda na natin, ang daming gagawin bakit nagsasayang sila ng oras magsulat ng mga ganyang bagay at bakit ako nagaaksaya ng oras magbasa? May kwenta ba?

Gusto ba nilang maalala ang mga panahong siguradong-sigurado ang kalooban nila sa mga bagay bagay? Ang mga pagkakataong akala nila alam nila na ang lahat? Gusto ba nilang buhaying muli ang pakiramdam na kahit anong gusto nilang gawin ay magagawa nila kung talagang pagtutuunan ng oras at pagod? Gusto ba nilang balikan ang malalalim na tawanang tila di na mauulit? Gusto ba nilang isipin ang mga maliliit na bagay na nagbigay tibay sa mga panghabangbuhay na pagkakaibigan?

O baka gusto nilang alalahaning muli ang mga oras na walang responsibilidad ang buhay. Mga araw na walang trabahong kailangang gawin, di kailangang kumita, walang kailangang bayaran.

O baka naman gusto lang nila ng mga gunitang makakasama sa pag-iisa sa malayong lugar. Hugutan ng lakas ng loob, pampataas ng kumpiyansa sa sarili.

O baka gusto nilang pukawin ang kakaibang saya ng damdamin na di na naulit pagkatapos ng high school.

Gusto ko nga rin. Kaya ko nga binabasa.

Monday, April 02, 2007

BUS

Naiwan na naman ako ng bus. Araw-araw nalang akong naiiwan. Mag tatatlong taon na ako dito sa Canada di ko pa rin makasanayang may oras ang bus at dapat tumama ako sa oras kundi maghihintay ako ng susunod. Hay! Nakita ko pa namang parating ang bus ko pero patawid palang ako ng kalye papunta sa bus stop. Kung maaga-aga ako ng kalahating minuto, inabot ko sana.

Di bale, limang minuto lang naman akong maghihintay. Marasap ang panahon pag ganitong parating na ang tagsibol. Di ganong malamig at di rin naman mainit. May maliliit na ring cherry blossoms sa mga punong kinalbo ng taglamig. Meron nga ba o imahinasyon ko lang sa kagustuhan kong bumilis ang pagdating ng Spring?

Isa pa, ang paghihintay ng bus ay isa sa mga iilang pagkakataong nakakapag-isa ako ng tahimik, walang pressure, walang kailangang gawin kundi tumanga at maghintay. Maganda sana ang panahon, magaan sana sa kalooban kaso lang nalaman ko kahapon na may cancer ang isang kaibigan, 30 years old. Tama ba yon? Sabi ng doktor magagamot naman daw ng chemotherapy at operasyon. Pero kahit na, masyadong nakakagulat. Masyadong hindi inaasahan. Masyadong malayo sa plano, sa akala naming mangyayari. Iniisip ko tuloy, ano kaya ang gugulat sa buhay ko sa mga susunod na araw, linggo, buwan, taon? Nakakapanghina.

Tinanong ako kahapon ng bunso kong 5 taon kung bakit umiikot ang mundo. Natigilan ako ng sandali, di ko alam ang isasagot. Sabi ko nalang, yun kasi ang nagbibigay ng panahon para malaman ng mga tao kung gabi na, o lumipas na ang isang araw, isang linggo, isang buwan o isang taon. Para malaman namin kung birthday na nya at tatanda na sya ng isa pang taon.

Ba’t tatanda tuwing birthday? Kasi nakalipas na ang isang taon. Bakit tatanda bawat taon? Di ko alam e, ganon talaga yon, habang lumilipas ang mga araw, tumatanda ang mga tao.

Sa loob loob ko, di lang tumatanda, nagkakasakit, namomroblema, namamatay din. O minsan naman di ganong namomroblema, nakikibagay nalang sa mga pangyayaring di inaasahan sa paglipas ng panahon.

O baka naman di pag ikot ng mundo ang nagbibigay ng panahon. Baka panahon ang dahilan ng pag ikot ng mundo. Baka di tumatanda ang tao dahil lumilipas ang panahon. Baka lumilipas ang panahon dahil tumatanda ang tao. Baka di naman ganon kasama ang pagkakaroon ng cancer, baka daan yon para mangyari ang ibang mas mahalagang bagay. Kanya-kanyang pananaw nga lang naman sa buhay.

Baka di ako naiwan ng bus. Maaga lang yata ako para sa susunod.

Not too bad. Thanks.

Dati-rati kapag naririnig ko ang sagot na ito galing sa mga Canadians, iniisip ko, ano namang klaseng sagot yon? Anong ibig sabihin ng Not too bad? Di sobrang sama?

Nung bago ako dito, ang alam ko lang isagot sa How are you? ay I’m fine. Thank you. At sinasabi ko yan exactly how I used to say it nung pinapraktis ako ng Mommy ko para isali sa Little Miss Philippines. :-)

Habang tumatagal, unti-unti kong naiintindihan ang mga Canadians pati ang sagot nilang ito. At natuto na rin akong gamitin ang sagot na yan ngayon kahalili ng: I’m very well, I’m doing great, at kung anu- ano pa. At di lang yan. Bukod sa thank you, nakakapagsabi na rin ako ng How about you? Ang laki na ng improvement ko di ba. Medyo matagal kasi bago ako nasanay na lahat ng makasakay ko sa elevator kahit di ko kilala ay tatanungin ako ng How are you? Lahat ng makausap ko sa telepono, ang bungad How are you? Minsan pati bus driver, katabi sa train, kasalubong, lahat yata ng tao. Di ko mabilang kung ilang beses ako natatanong nyan sa isang araw. At dahil pinipilit kong maging tapat, itinigil ko na ang I’m fine. Thank you. at iniisip ko pa talaga kung ano ang kalagayan ko bago ako sumagot. Kaso lang pag sa elevator, bababa na ang kausap ko di pa ako nakakasagot at di ko pa sya natatanong ng How about you?

Ang buhay nga naman sa ibang bansa, ang daming maliliit na bagay na dapat makasanayan. Mabuti na nga lang at sanay ako sa hirap sa Pilipinas kaya naman lahat ng bagay ay good sa akin dito. Tulad ng simula ng winter na ito, nag snow ng dalawang araw at di natunaw ang snow sa kalye ng isang linggo. Bihira yan dito sa Vancouver. Kadalasan, isang araw lang mag i-snow sa buong winter tapos matutunaw na rin kinabukasan. Kaya naman ang mga tao ay talagang pinag usapan ang lagay ng panahon. Sabi nila mahirap maglakad papunta sa bus stop, malamig, mahirap mag drive, etcetera etcetera. (Mas mahirap maglakad pauwi sa Cubao mula sa hanggang bewang na baha sa Espana. Mas challenging mag drive na nakalubog sa tubig ang tambutso at di pwede bumitaw sa silinyador.) At dahil nga nag snow, delayed ang skytrain. Usapin na naman. Kesyo 30 minutes ang hintay. (Dalawang oras nga ang pila sa shuttle terminal sa Makati.) Punong puno din ang bus, siksikan dahil mabagal ang biyahe. (Di naman ganong puno, wala namang nang cha-chancing at wala ring na ho-hold-up. Tsaka di tulad ng jeep, wala pa namang sabit. Di pa rin sa bintana dumadaan ang mga pasahero at di pa nag ra-round trip. Di kasing hirap ng pagsakay noon ng jeep papuntang Montalban!)

Ang Vancouver ay kilala sa pagkakaroon ng mild weather buong taon. Ngayong winter pagkatapos ng snow, storm naman. Talagang malaking kontrobersya, laman ng lahat ng dyaryo. Ang lakas daw ng ulan at hangin. (Ambon lang yan sa Pinas. Anong hangin e wala namang lumilipad na bubong. Bagyo ba yan?)

O bakit nga ba sila sumasagot ng Not too bad? Bakit di nalang Not good kung hindi naman mabuti ang kalagayan nila? Dahil alam ng mga Canadians na mas maswerte sila kaysa sa napakaraming tao sa mundo. Tulad ko, ang karaniwang tao dito ay migrant o anak ng migrants. Mas mahirap ang buhay sa bansang pinanggalingan nila. Kaya nga sila nandito. Ito ang dahilan ng sagot nilang Not too bad. Kahit anong kalagayan, pinag-uusapan lang pero di nagrereklamo. Alam nilang mas malala ang kalagayan ng mas maraming mga tao sa ibang mga lugar.

At dahil naiintindihan ko na ito, ganyan na rin ang sagot ko ngayon. Walang araw na sobrang sama para sumagot ng Not good o Terrible. Kahit homesick ako, hangga’t may pagkain ang pamilya ko at walang nakamamatay na sakit, I’m not too bad. Thanks. You?

Thursday, January 25, 2007

May Lunar Eclipse Ba?

Yan ang unang naisip ko nang lumabas ako sa Manila International Airport. Ang dilim yata, wala namang nagsabing may eclipse. Ah, baka dahil may bagyo. Mahangin pero mainit. Nanlalagkit ang leeg ko, nararamdaman kong kumikintab ang mukha ko at pinapawisan ang kili-kili ko. Mga bagay na dalawang taon ko ng di nararanasan.

Nakita ko ang mga kapatid ni Ramil at si Alex. Sa wakas, nakauwi rin kami. Nalimutan ko ang lahat ng ibang bagay.

Papunta sa sasakyan muntik akong madulas. Basa nga ang kalye at bumabagyo. Pero parang putik yon.

Sa Adventure walang humpay na kwentuhan. Naghahahighikan ang mga anak ko sa likod. Mga babae nga naman, ke haharot. Tinanong ko kung bakit, natatawa sila sa dami ng lubak sa kalye, para raw kaming nakasakay sa roller coaster. Pinilit kong ngumiti kahit kinakabahan ako dahil walang seatbelt ang jumper seats at kalong lang sila.

Tuloy ang kwentuhan. Ayokong tumingin sa kalye, masyadong malalapit ang mga sasakyan, maraming tumatawid, walang guhit ang Edsa. Buti nalang mabagal ang takbo dahil trapik. Ang bilis ng tibok ng dibdib ko, aatakihin yata ako sa puso. Sasama pa yata ako kay Nanay sa libingan. Sya ang dahilan ng pag-uwi namin.

Pagdating sa punerarya nandun ang mga kapatid ko. Tatlo sa siyam at isang hipag. Kaunti yata yon. Samantalang si Ramil kumpleto ang anim na kapatid. Ang isa ay galing pa sa Australia. Pero di bale, mabuti na ang apat kaysa sa wala. At talaga namang hinintay nila ako, alas onse na. Nakakaiyak. Wala na ang mga magulang ko. Dalawang taon lang akong nawala, nawala na rin sila. Tuloy ang kwentuhan.

Alas dos ng umaga, umuwi muna kami. Kailangang matulog at magpahinga ng mga bata. Kailangan naming maligo pagkatapos ng 16 na oras sa biyahe. Walang pinagbago ang bahay nila Ramil na tinirhan ko ng lagpas anim na taon. Ganun pa rin. Pero pagpasok namin, nagkatinginan kaming mag-asawa. Parang lumiit ang bahay, bumaba ang kisame. Wala bang mas maliwanag na bumbilya? Tuloy pa rin ang tsikahan.

Dinagsa ng tao na burol. Lasing si Ramil gabi-gabi. Walang patumanggang kwentuhan. Walang tulugan hanggang sa pangatlong araw na bumagsak nalang kaming dalawa sa sopa at di na nagising hanggang hapon.

Nailibing si Nanay. Oras na para sulitin ang matagal naming inasam na pagbabalik sa Pilipinas. Tatlong linggo lang. Tatlong linggo sa bansang kinalakihan. Inubos namin ang lahat ng oras sa pakikipagkita sa mga kamag-anak, sa mga kaibigan. Pakikipagkwentuhan, pagsasalu-salo sa pagkaing nagbabalik ng maraming mga magagandang alaala.

Madilim, masikip, marumi, maputik, mainit, malagkit, malubak, matrapik. Yan ang Pinas sa mga mata ko pagkatapos ng dalawang taon ko dito sa Vancouver. Sa kabila ng lahat ng yan, sa puso ko, alam kong dun pa rin ako sasaya. Sa piling ng mga mahal ko sa buhay. Bakit ba kasi kami nandito sa Canada? Alam ko ang mga dahilan pero ayokong isipin.

Ibalik nyo na ako sa Pilipinas!