Bakit ba importante pa ang mga nangyari noon, labing anim na taon na ang nakakalipas? Di ba ang mahalaga ay ang ngayon, ang mga dapat gawin para maayos ang bukas? Ano ang silbi ng alaala ng mga lugar, tao at pangyayaring di mo na mababalikan?
Yan ang unang naisip ko nang mabasa ko ang mga blog tungkol sa high school. Ang tanda na natin, ang daming gagawin bakit nagsasayang sila ng oras magsulat ng mga ganyang bagay at bakit ako nagaaksaya ng oras magbasa? May kwenta ba?
Gusto ba nilang maalala ang mga panahong siguradong-sigurado ang kalooban nila sa mga bagay bagay? Ang mga pagkakataong akala nila alam nila na ang lahat? Gusto ba nilang buhaying muli ang pakiramdam na kahit anong gusto nilang gawin ay magagawa nila kung talagang pagtutuunan ng oras at pagod? Gusto ba nilang balikan ang malalalim na tawanang tila di na mauulit? Gusto ba nilang isipin ang mga maliliit na bagay na nagbigay tibay sa mga panghabangbuhay na pagkakaibigan?
O baka gusto nilang alalahaning muli ang mga oras na walang responsibilidad ang buhay. Mga araw na walang trabahong kailangang gawin, di kailangang kumita, walang kailangang bayaran.
O baka naman gusto lang nila ng mga gunitang makakasama sa pag-iisa sa malayong lugar. Hugutan ng lakas ng loob, pampataas ng kumpiyansa sa sarili.
O baka gusto nilang pukawin ang kakaibang saya ng damdamin na di na naulit pagkatapos ng high school.
Gusto ko nga rin. Kaya ko nga binabasa.