Monday, April 02, 2007

BUS

Naiwan na naman ako ng bus. Araw-araw nalang akong naiiwan. Mag tatatlong taon na ako dito sa Canada di ko pa rin makasanayang may oras ang bus at dapat tumama ako sa oras kundi maghihintay ako ng susunod. Hay! Nakita ko pa namang parating ang bus ko pero patawid palang ako ng kalye papunta sa bus stop. Kung maaga-aga ako ng kalahating minuto, inabot ko sana.

Di bale, limang minuto lang naman akong maghihintay. Marasap ang panahon pag ganitong parating na ang tagsibol. Di ganong malamig at di rin naman mainit. May maliliit na ring cherry blossoms sa mga punong kinalbo ng taglamig. Meron nga ba o imahinasyon ko lang sa kagustuhan kong bumilis ang pagdating ng Spring?

Isa pa, ang paghihintay ng bus ay isa sa mga iilang pagkakataong nakakapag-isa ako ng tahimik, walang pressure, walang kailangang gawin kundi tumanga at maghintay. Maganda sana ang panahon, magaan sana sa kalooban kaso lang nalaman ko kahapon na may cancer ang isang kaibigan, 30 years old. Tama ba yon? Sabi ng doktor magagamot naman daw ng chemotherapy at operasyon. Pero kahit na, masyadong nakakagulat. Masyadong hindi inaasahan. Masyadong malayo sa plano, sa akala naming mangyayari. Iniisip ko tuloy, ano kaya ang gugulat sa buhay ko sa mga susunod na araw, linggo, buwan, taon? Nakakapanghina.

Tinanong ako kahapon ng bunso kong 5 taon kung bakit umiikot ang mundo. Natigilan ako ng sandali, di ko alam ang isasagot. Sabi ko nalang, yun kasi ang nagbibigay ng panahon para malaman ng mga tao kung gabi na, o lumipas na ang isang araw, isang linggo, isang buwan o isang taon. Para malaman namin kung birthday na nya at tatanda na sya ng isa pang taon.

Ba’t tatanda tuwing birthday? Kasi nakalipas na ang isang taon. Bakit tatanda bawat taon? Di ko alam e, ganon talaga yon, habang lumilipas ang mga araw, tumatanda ang mga tao.

Sa loob loob ko, di lang tumatanda, nagkakasakit, namomroblema, namamatay din. O minsan naman di ganong namomroblema, nakikibagay nalang sa mga pangyayaring di inaasahan sa paglipas ng panahon.

O baka naman di pag ikot ng mundo ang nagbibigay ng panahon. Baka panahon ang dahilan ng pag ikot ng mundo. Baka di tumatanda ang tao dahil lumilipas ang panahon. Baka lumilipas ang panahon dahil tumatanda ang tao. Baka di naman ganon kasama ang pagkakaroon ng cancer, baka daan yon para mangyari ang ibang mas mahalagang bagay. Kanya-kanyang pananaw nga lang naman sa buhay.

Baka di ako naiwan ng bus. Maaga lang yata ako para sa susunod.

No comments: