Nasa klase ako, alas sais ng gabi. Sobrang haba ng araw ko ngayon. Gumising ako ng alas syete y media, umalis ako ng bahay ng alas otso, nagsimula mag trabaho ng alas nuwebe. Pagkatapos ng trabaho ng alas singko, diretso naman sa eskwela. Kung bakit ba kasi ginagawa ko ito sa sarili ko.
Di ko napaghandaan ng husto ang araw ko ngayon, kaya siguro ako sobrang pagod. Kung anu-ano lang ang dala kong pagkain para di ako gutumin. Isang latang tuna, tinapay, 2 hiwa ng keso, isang hiwa ng maliit na pizza. Ito na ang pagkain ko para sa buong araw. Buti nalang nung paalis na ako ng opisina ay inalok ako ng isang kaibigan ng nilagang itlog. Syempre tinaggap ko. Natakot akong magutom dahil nakain ko na ang tuna, pizza, at tinapay sa pananghalian. Kaunting tinapay at keso nalang ang natitira ko pang hapunan.
Dumating ang alas sais ng gabi, nagsasalita pa ang titser. Gutom na ako, gutom na gutom. Naalala ko ang itlog na bigay sa akin. Kinuha ko sa bag at inilagay sa bulsa ng pantalon ko. Kailangang makita ko ang tamang tyempo para basagin at balatan ang itlog. Pupwede namang kumain sa klase kahit anong oras. Yun nga lang medyo nakakahiya naman kung sa gitna ng pagsasalita ng titser ay may bigla nalang mababasag. Hintay lang ng kaunti, darating din ang tamang oras. Gutom na ako!
Balatan ko kaya ito sa bulsa ko? Parang tanga nga lang ako nun, bigla nalang akong kakain ng nilagang itlog, baka magtawanan ang mga kasama ko sa mesa. Hay! Pangalawang klase ko palang ito sa walong kailangan kong tapusin para magkaroon ng diploma sa pagtuturo. Kung pwede lang kunin ito online, gagawin ko. At least nasa bahay lang ako, hindi ako aabutin ng ganitong gutom. Kaso lang kailangan kong tapusin ito agad, wala ng panahong maghintay ng online. Kung kailangang pasukan, papasok ako sa eskwela, matapos lang.
Pitong taon na ako dito sa Canada. Labing anim na taon na akong nagtatrabaho sa Accounting. Nung isang taon ko lang napagdesisyunang mag aral at lumipat ng linya, lumipat sa pagtuturo. Matagal ko ng naiisip gawin ito. Naghintay lang ako ng tamang panahon kaya inabot ako ng napakaraming taon. Sana ginawa ko ito noon pa. E di sana titser na ako ngayon. Yun talaga ang gusto kong gawin. Sa tingin ko doon ako sasaya.
Tuloy pa rin ang diskusyon ng titser ko at ng mga kaklase ko. Ang hirap kapag titser din ang mga estudyante. Ayaw magsitigil magsalita, di tuloy ako makakuha ng tyempo. Itlog, itlog, gusto na kitang kainin.
Maging masaya nga kaya ako sa pagtuturo? Di ko naman masasagot yan hanggat di ko ginagawa kaya sige nalang. Sa tingin ko, mas mabuti na ang umaaksyon kesa walang ginagawa. Kung magkamali, e di aral nalang ulit ng iba. Di ko nalang talaga makakayanan ang accounting ng isa pang taon. Ginagapang ko ngang talaga ang pag aaral na ito. Wala na akong pang enrol pero sige lang. Iutang, ibenta ang pwedeng ibenta, ipilit i file ng reimbursement sa opisina. Wish ko lang ay aprubahan na.
Kahihintay ko ng tamang panahon para kainin ang itlog, dumating ang alas syete y media, break time na. Magbabanyo muna ako bago kumain. Tutal labinlimang minuto ang break time, kakain ako pagbalik ko galing sa banyo. Biruin mo, dose oras na akong gising, at mahaba pa ang gabi. Pagdating ko sa bahay ay magliligpit pa ng kusina, magluluto pa ng pagkain para bukas, yan ay kung may hapunan na. Kung wala ay magluluto pa ako ng hapunan. Buhay Canada nga naman. Kung sa Pinas 'to pagdating ko kain at tulog nalang.
Sa wakas, tamang oras na para kainin ang pinaka aasam kong nilagang itlog. Nilatagan ko ng tissue ang parte ko ng mesa, nilabas ko ang itlog sa bulsa at dahan dahan kong pinukpok sa ibabaw ng mesa. Ngek, nabiyak ang itlog. Hindi lamang ang balat kundi ang buong itlog. Buti nalang may tissue. Hindi naman pala hard-boiled ito, malasado. Huhuhu. Di ko kayang kainin ito. Parang malansang hilaw na itlog. Wahaha. Mamamatay yata ako sa gutom ngayong gabi. Pagkatapos kong asam asaming kainin ang itlog na ito, di ko naman pala makakain. Bumili kaya ako sa kantin ng pagkain? Huli na, matatapos na ang labinlimang minutong break. Kasi naman, naghintay hintay pa ako. Kung biniyak ko na ito kaninang alas sais, e di alam ko na sanang wala akong pagkain, e di sana napagplanuhan kong pumunta ng maaga sa kantin. Di bale, mabubuhay naman ako sa kaunting tinapay at katiting na keso. Isang oras pa bago mag uwian, isang oras pa ulit bago ako makarating sa bahay. Waaah.
Pareho nga rin ng pag-aaral ko ang itlog. Naghintay hintay ako ng tamang panahon, inabot ng napakaraming taon. Sana ginawa ko kaagad nung malaman kong ito ang gusto kong gawin. Sana lang maging masaya ako sa pagtuturo pag natapos ko ito. Sana di tulad ng itlog na di ko nakain.
No comments:
Post a Comment