Thursday, December 14, 2006

PASO

Akala nila naglaslas ako ng pulso. Nababasa ko sa mga mata ng mga kaopisina ko pag tinatanong ako kung anong nangyari sa braso ko. Mayroon kasi akong sugat sa may pulso, sa kanan, sing laki ng piso. Gusto ko sana mag long sleeves araw-araw para wag nila makita. Wala nga lang akong ganon karaming long- sleeved blouses. Di ko rin naman malagyan ng benda dahil tatagal matuyo ang sugat. Ang hirap kasing ipaliwanag sa ingles na ang nangyari ay natalsikan ako ng mantika habang nagpiprito ako ng bangus, lumobo ang balat, nabalatan at naging sugat.

Simple lang naman sana kaya lang pag sinabi ko na ang dahilan, lalo silang naguguluhan. Natitigilan sila, natutulala, para bang naghihintay ng susunod pang paliwanag. Ang mga tanong nila. Wala ka bang deep fryer? Anong klase ba ang milkfish bakit tatalsik ng ganon kalakas? Bakit ka naman kakain ng pritong isda, ba’t di mo i-bake, mas healthy yon. Traditional Filipino food ba ang pritong bangus? Di ka ba sanay magluto at naaaksidente ka ng ganyan?

Kaya naman durugtungan ko pa ang kwento ng aksidente. Wala kasi akong deep fryer. Ganon talaga ang milkfish, matalsik pag pinirito. Masarap ang isda kasabay ng ginisang gulay at oo traditional Filipino food yon. Sadyang di ako sanay magluto dahil bago lang ako dito sa Canada at sa Pilipinas ay meron kaming tagaluto. Lalo kamong humahaba ang usapin pag sinabi ko na ang paliwanag na yan.

Wala kang deep fryer? Bakit di ka bumili, mura lang yon. Milkfish? Bakit di mo subukan ang salmon o halibut o cod, masarap yon pag baked o smoked. Anu-ano pa ba ang traditional Filipino foods? May tagaluto ka sa Pilipinas, talaga, as in cook?

Oo na nga bibili ako ng deep fryer. Di ko kasi kilala ang halibut o salmon o codfish, pero susubukan ko. Iba-iba ang Filipino foods, maraming may Chinese influence. Oo meron kaming tagaluto, tagalaba, tagaplantsa, tagalinis, at meron pang driver. Alam ko na, na sa oras sabihin ko ang huling pangungusap na yan, lalaki ang mga mata nila at lalong hahaba ang usapan.

Di sila makapaniwala na di ako sanay gumawa ng gawaing bahay dahil merong gumagawa ng lahat para sa akin sa Pinas. Siguro dahil di naman ako mukhang mayaman. Di nila maintindihan kung papanong pupwedeng magkaroon ng ganon karaming empleyado ang ordinaryong tao sa Pilipinas. Nagugulat din sila, di ba modern slavery yon? Okay lang ba ako ngayon dito sa Canada na ako na ang gumagawa ng lahat para sa pamilya ko? Hindi ko ba nami-miss ang ganong masarap na buhay?

By this time, limang minuto na akong tumigil magtrabaho para makipagdaldalan. At di pa tapos yan, ipaliliwanag ko pa. Hindi naman modern slavery yon, mura ang labor sa Pilipinas kaya pwede yon, at tulong yon para makaahon sila sa hirap, makapag aral ang mga anak nila. Nahihirapan ako ngayon pero kakayanin ko. At oo na mi-miss kong umuwi ng bahay na may kakainin na ako, natutuyo ang utak ko kakaisip kung anong lulutuin sa buong linggo, nasusuka ako sa daming beses maghugas ng pinggan sa loob ng isang araw, sumasakit ang likod ko sa pag saksak ng labahan sa washer at paglipat sa dryer at nabubwisit ako magtupi ng napakaraming damit, at higit sa lahat naaasar ako maglinis ng banyo. Pero syempre di ko naman sinasabi ang huling parte na yan, naiisip ko lang.

Dyan natatapos ang usapin ng paso ko. Pero isang tao palang yan, sa loob ng isang araw, higit sa lima ang magtatanong. Magpa press conference kaya ako? O di kaya'y magpadala ako ng mass email para ipaliwanag ang sugat ko? Pero syempre iba pa rin ang personal na pag-uusap. Nakawiwiwiling makita ang reaksyon ng mga tao dito sa Canada, lalo na sa usapin ng kasama sa bahay. Para silang nagugulat at nagtataka pero naiinggit at nalilito.

Sigurado akong nadagdagan ko ang mga maikukwento nila sa mga kaibigan nila at napalawak ko ang isip nila na mayroong buhay na iba sa pamumuhay nila dito.

No comments: