Friday, December 18, 2009

ano nga kaya?

ano nga kaya ang mangyayari sa buhay ko?

pagtapos kong kaladkarin ang pamilya ko papunta dito sa canada, ano kaya ang magiging buhay ko dito pagdating ng panahon? tama kaya ang mga pinaggagagawa ko ngayon? walang katapusang mga tanong. mga tanong na walang sagot. minsan ayoko nalang mag isip, nakakalito't nakakapagod lang.

parang ang sarap mabuhay noong unang panahon sa pinas. tulad ng nasa mga pelikulang black and white na pinanonood ko tuwing hapon noong bata pa ako. kung hindi nagtatanim sa bukid, kumakanta sa bintana, o kaya'y hinaharana sa gabi. napaka simple. walang mga sakit na tulad ng cancer, walang mga umaatikabong mga utang, walang problema sa pag aalaga ng anak, walang snow, walang kumplikadong mga relasyon, walang nangingibang bansa. wala lang, simple lang ang buhay.


dati simple din ang buhay ko. nagtatrabaho, may isang anak, nag lalamyerda pag sabado't linggo. anong ginawa ko? bakit nagkaganito?

ewan. bakit nga ba? bakit ba di ako matigil sa kakaisip ng mga bagay na gugulo sa buhay ko?bakit ba di ako matigil sa kagagawa ng mga kumplikasyon sa simple sanang buhay? ewan ko ba. di ko naman sinasadyang sadyain.

simple sana ang buhay ko sa pinas, nagpunta ako ng canada. pagdating sa canada, simple sana ang buhay housewife, nagtrabaho ako. okay na ang trabaho, nag negosyo naman. magulo pa ang negosyo, bumili ng bahay. wala pang isang taon ang bahay, nagbuntis naman ako. ano kaya ang susunod?

sana maganda. sana happy ending. abangan natin ang susunod na kabanata.