Lord grant me the serenity to accept the things I cannot change,
Courage to change the things I can,
And wisdom to know the difference.
Nakasulat ito sa isang maliit na kwadrong nakapaskil sa hagdan ng bahay namin nung bata pa ako. Mangilan-ngilan lang ang dekorasyon ng bahay namin. Kasama nito ang malaking kwadro ng peacock na nasa carpet, at syempre pa ang mga kabayo.
Sa pagkakatanda ko, regalo namin ang maliit na kwadrong ito sa Nanay ko sa isa sa mga kaarawan nya. Di ko alam kung anong ibig sabihin nito noon, nung mga sampung taon pa lamang ako . Pagkaraan ng mga limang taon, naintindihan ko rin pero di ko maisip kung bakit mo ito gagawin. Di ba ang buhay ng bawat tao ay kung ano ang ginusto niyang gawin sa buhay nya? Bakit tatanggapin mo nalang ang mga bagay-bagay? Bakit di mo baguhin sa lahat ng pagkakataon para umayon sa gusto mong mangyari? Labinlimang taon ako noon. Ideyalismo yata ang tawag don.
Ngayong treinta'y dos anyos na ako at nandito ako sa Canada , sobrang linaw na sa akin nito. Ito ang lagi kong dasal sa araw-araw. Masyadong maraming nangyayari sa buhay. Mahirap piliin kung ano ang dapat baguhin at kung ano ang dapat hayaan nalang mangyari. Maghihirap siguro ako sa buhay kung hindi ako kikilos at hahayaan ko nalang mangyari ang lahat ng bagay. Tatanda naman akong bigla kung panghihimasukan ko ang lahat para iayon sa gusto ko. Magkakasakit ako sa puso kung dadamdamin ko ang mga di kanais-nais na bagay na di ko mabago. It's hard to choose our battles. Pero sinusubukan ko sa abot ng aking makakaya. Habang sa likod ng isipan ko ay dinadasal ko ito.
Sa awa ng Diyos ay nabibitiwan ko naman ang mga tila di yata talaga dapat pakialaman. Natatanggap na rin ng kalooban ko ang mga pangyayaring di ko nagugustuhan sa pag-asang maiintindihan ko rin sa kalaunan ang dahilan.
Tumatanda na ako.
Ngayong nakabili na kami ng bahay sa wakas, pinaplano kong ipaskil din ang dasal na ito sa dingding. Gusto ko ring maisapuso ito ng mga anak ko. Kung saan at papaano ay hindi ko pa napag-iisipan. Baka sa isang maliit na kwadro sa may hagdan, nababasa araw-araw kahit hindi pa nila naiintindihan. Kalaunan ay maiisip din nila ang ibig sabihin nito at magiging mahalaga rin ito sa kanila. Liban nalang kung hindi yon ang dapat mangyari.
Thursday, July 26, 2007
Wednesday, July 04, 2007
KALULUWA
Sabi nila makakabayad ka lang sa mga magulang mo kapag nakaroon ka na ng sarili mong anak. Dun mo lang daw maiintindihan at mararanasan lahat ng hirap at saya na idinulot mo sa iyong mga magulang.
Simula ng mamatay ang mga magulang ko, madalas ko silang napapanaginipan. Ipinagpamisa ko na sila tulad ng sabi ng marami para lang makasigurong tahimik ang kaluluwa nila. Hindi pa rin tumitigil ang mga panaginip. Madalas ko silang naaalala ultimo sa napakaliliit na mga bagay sa araw-araw.
Naaalala ko si Dad sa bigote ng mga mamang nasaasalubong ko sa kalye, nakakakasakay ko sa bus. Tama nga ang sabi nya noon, di sya mukhang Pilipino. Naaalala ko sya sa mga bibe sa ilog, marami syang alagang itik dati. Sa sili, nagtanim sya non. Sa pelikulang Back to the Future, para kasi syang mad scientist. Sa lotto, pinag-aralan nya't inambisyong manalo. Sa dentista dahil gumawa sya ng sarili nyang pustisong gawa sa goma ng tsinelas. Sa mga pagkain dito, mahilig syang kumain. Sa kape, sumbrero, salamin, balakubak, bubong, corned beef, toothbrush, nail cutter, kotse, pera, simbahan, sumpa, computer, at sa lahat ng bagay sa paligid ko. Nakikita ko sya sa sarili ko, nagpaplano para sa kinabukasan ng mga anak ko. Nagpaplano ng di sinasadya.
Naalala ko si Mom sa matamis nyang ngiting tila walang malalim na dahilan. Sa mga teacher dahil yan ang gusto nyang maging. Sa mga abogado dahil nag aral sya ng pre-law. Sa commercial ng Alzheimer's, nagkaron sya nyan. Sa sakripisyo sa mga anak, naranasan nya yan sa di na mabilang na mga pagkakataon. Sa pagbibigay sa kamag-anak, pagmamahal sa kapatid, katapatan sa asawa, pagmamahal sa magulang, sa pagbili ng bahay. Sa mga prutas na masarap nyang kinakain ng pakamay. Sa maayos na kuwarto, sinuklay na buhok, amoy at tunog ng dagat, duyan, floorwax, daster, deodorant, lipstick, sunglasses, politika, shopping, kurtina, bulaklak, ngipin. Sa pagyakap ng mga anak ko sa akin tulad ng pagyakap ko sa kanya noon. Naaalala ko sya tuwing pinangangaralan ko ang mga anak ko tungkol sa mga lalaki, tulad ng pag papangaral nya sa akin noon. Di rin siguro nila ako pakikinggan.
Dapat ko sigurong ipamisa ang sarili ko. Di ko sila malimutan kahit sandali. Di matahimik ang kaluluwa ko.

Subscribe to:
Posts (Atom)