Parang kailangan nanonood ako ng soap opera habang nagpaplantsa. Di ba ganun sa soap opera?
Matagal akong di nagplantsa. Taon kaming di nagkita ng plantsang ito. Nung dumating kami sa Canada at ako na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay, pagpaplantsa ang una kong inalis sa listahan.
Ang nakuha ko namang trabaho noon ay di kailangang bihis na bihis. Basta malinis ang suot. Ang mga bata naman naka t-shirt lang sa eskwela, wala namang uniform. Ang asawa ko naman ay may uniform noon pero kapag inilagay ko sa dryer at inalis kaagad, parang bagong plantsa na rin. Pwede na.
Back in the Philippines palaging akong siniswerteng merong nagpa plantsa para sa akin. (Ooops, sorry napaingles lang.) Nung nakatira sa amin ang pinsan kong si Nene, sya ang nagpaplantsa. Kapag naman may kasama kami sa bahay yun ang nagpaplantsa. Ang pinaka naaalala ko ay ang kalidad ng plantsa ni Conching, isa sa mga naging kasama namin sa bahay. Ang damit na pinalantsa nya ay nagmumukhang bago. Ang mga guhit hindi doble at talaga namang diretsong diretso. Sayang pinaalis sya ni Mommy. Isang beses kasing nagalit sya, tinaga niya ang isang silya namin sa kusina.
Kapag wala kaming plantsadora, pagpaplantsa ng uniporme ang pusta sa lahat ng laro namin ng ate ko. Ang matalo sya ang magpaplantsa ng mga uniporme, Nakakatuwa ring alalahanin.
Noong nag asawa na ako si Aling Nely naman at naging si Ate Lani ang nagpaplantsa. Papano nila natatagalan ang pagpaplantsa? Ang init ng singaw at ang init sa Pilipinas. Kung sabagay, nalilibang sila sa pagpanoon ng soap opera.
Mabalik ako sa kung bakit ako magpaplantsa ngayon. Pareho na kaming mag asawang di nagtatrabaho ng full time. Mas malaki ang sahod pero hindi empleyado. Pwedeng tanggalin kahit anong oras. Kailangan walang makitang dahilan ang mga tao para tapusin ang aming kontrata. Kailangan maayos ang hitsura namin sa lahat ng oras. Kailangang plantsado.
Pwede namang ipa dry clean. Medyo mahal nga lang. Pwede ring abangan sa dryer at agad ihanger. Pwede ring bumili ng no-iron clothes.
Magpaplantsa nalang ako. Magandang pagkakataon para tumahimik at mag muni-muni. Magandang paraan para magpakita ng malasakit. Maganda ako pag plantsado. Plantsa brings back good memories of home and childhood.
How things change.
No comments:
Post a Comment