Dati-rati kapag naririnig ko ang sagot na ito galing sa mga Canadians, iniisip ko, ano namang klaseng sagot yon? Anong ibig sabihin ng Not too bad? Di sobrang sama?
Nung bago ako dito, ang alam ko lang isagot sa How are you? ay I’m fine. Thank you. At sinasabi ko yan exactly how I used to say it nung pinapraktis ako ng Mommy ko para isali sa Little Miss Philippines. :-)
Habang tumatagal, unti-unti kong naiintindihan ang mga Canadians pati ang sagot nilang ito. At natuto na rin akong gamitin ang sagot na yan ngayon kahalili ng: I’m very well, I’m doing great, at kung anu- ano pa. At di lang yan. Bukod sa thank you, nakakapagsabi na rin ako ng How about you? Ang laki na ng improvement ko di ba. Medyo matagal kasi bago ako nasanay na lahat ng makasakay ko sa elevator kahit di ko kilala ay tatanungin ako ng How are you? Lahat ng makausap ko sa telepono, ang bungad How are you? Minsan pati bus driver, katabi sa train, kasalubong, lahat yata ng tao. Di ko mabilang kung ilang beses ako natatanong nyan sa isang araw. At dahil pinipilit kong maging tapat, itinigil ko na ang I’m fine. Thank you. at iniisip ko pa talaga kung ano ang kalagayan ko bago ako sumagot. Kaso lang pag sa elevator, bababa na ang kausap ko di pa ako nakakasagot at di ko pa sya natatanong ng How about you?
Ang buhay nga naman sa ibang bansa, ang daming maliliit na bagay na dapat makasanayan. Mabuti na nga lang at sanay ako sa hirap sa Pilipinas kaya naman lahat ng bagay ay good sa akin dito. Tulad ng simula ng winter na ito, nag snow ng dalawang araw at di natunaw ang snow sa kalye ng isang linggo. Bihira yan dito sa Vancouver. Kadalasan, isang araw lang mag i-snow sa buong winter tapos matutunaw na rin kinabukasan. Kaya naman ang mga tao ay talagang pinag usapan ang lagay ng panahon. Sabi nila mahirap maglakad papunta sa bus stop, malamig, mahirap mag drive, etcetera etcetera. (Mas mahirap maglakad pauwi sa Cubao mula sa hanggang bewang na baha sa Espana. Mas challenging mag drive na nakalubog sa tubig ang tambutso at di pwede bumitaw sa silinyador.) At dahil nga nag snow, delayed ang skytrain. Usapin na naman. Kesyo 30 minutes ang hintay. (Dalawang oras nga ang pila sa shuttle terminal sa Makati.) Punong puno din ang bus, siksikan dahil mabagal ang biyahe. (Di naman ganong puno, wala namang nang cha-chancing at wala ring na ho-hold-up. Tsaka di tulad ng jeep, wala pa namang sabit. Di pa rin sa bintana dumadaan ang mga pasahero at di pa nag ra-round trip. Di kasing hirap ng pagsakay noon ng jeep papuntang Montalban!)
Ang Vancouver ay kilala sa pagkakaroon ng mild weather buong taon. Ngayong winter pagkatapos ng snow, storm naman. Talagang malaking kontrobersya, laman ng lahat ng dyaryo. Ang lakas daw ng ulan at hangin. (Ambon lang yan sa Pinas. Anong hangin e wala namang lumilipad na bubong. Bagyo ba yan?)
O bakit nga ba sila sumasagot ng Not too bad? Bakit di nalang Not good kung hindi naman mabuti ang kalagayan nila? Dahil alam ng mga Canadians na mas maswerte sila kaysa sa napakaraming tao sa mundo. Tulad ko, ang karaniwang tao dito ay migrant o anak ng migrants. Mas mahirap ang buhay sa bansang pinanggalingan nila. Kaya nga sila nandito. Ito ang dahilan ng sagot nilang Not too bad. Kahit anong kalagayan, pinag-uusapan lang pero di nagrereklamo. Alam nilang mas malala ang kalagayan ng mas maraming mga tao sa ibang mga lugar.
At dahil naiintindihan ko na ito, ganyan na rin ang sagot ko ngayon. Walang araw na sobrang sama para sumagot ng Not good o Terrible. Kahit homesick ako, hangga’t may pagkain ang pamilya ko at walang nakamamatay na sakit, I’m not too bad. Thanks. You?
1 comment:
I love reading your posts Tita Lalaine! And I enjoyed this one the most, because I think nakakarelate ako. Ako naman, my first time I was here, they are asking how I was, and ako mega kwento naman. Parang sa Pinas. :)
Di ko naman alam na one liner lang dapat ang sagot. :D "How's the weather?" Oh it's fine, it looks like it gonna be a good day today (period).
Post a Comment