bakit ba hindi noon pa. bakit ba di ko agad naisip na ito nga ang gusto kong gawin. medyo mababa kasi ang tingin ng tao sa ganitong posisyon sa pilipinas. maliit ang sweldo, mahirap ang trabaho. kaya yata di ko ginawa. nagpaka alipin ako sa trabahong hindi ko gusto sa loob ng labinlimang taon. pinilit ko namang gustuhin. niloko ko nga ang sarili kong masaya ako dito. tinatrabaho ko naman, kahit wala sa puso ko. naghahanap nalang ako palagi ng mapaglilibangan. tulad ng pagtuturo, pagpunta sa kung saan saan, pakikipagkaibigan sa kung sino sinong interesanteng mga tao. lumilipat sa ibang kompanya para makatagal. hanggang sa maloka at lumipat na naman. paulit ulit hanggang umabot sa ganito.
di ko na kaya. naubos na ang pasensya ko. nasusuka na ako sa trabaho araw araw. ngayon lang nangyari sa akin ito. literal na susuka ako. di na nga ako kumakain para wala akong isuka. walang tigil ang pag inom ko ng kape, tsaa, tubig. walang tigil ang pag ihi ko maghapon. kung di ko gagawin ito, susuka talaga ako sa mesa ko, nakakhiya naman. kaya pala may mga nalululong sa alak. umiinom sila sa tuwing nasusuka sila sa buhay nila. hanggang sa maadik.
di ko na matagalan. binabangungot na ako kahit gising. naiisip kong pagtingin ko sa salamin ay kulubot na ang mukha ko, kuba na ang likod ko, at ito pa rin ang trabaho ko. tama na. kailangan ng malaman ang dapat kong gawin sa buhay ko. alam ko naman ang gusto kong gawin. magsalita sa maraming tao. magsulat. hindi ko maintindihan kung bakit di ko ito ginawa noon pa. nasa lahi naman namin ang pagsusulat. parang di ko makita ang sarili kong mabubuhay sa pagsusulat. pagsasalita, ano naman ang kikitain ko dun. san ako magsasalita. sino ang makikinig?
ngayon ko lang natanggap na ito nga ang tamang gawin. hindi para masuportahan ang pamilya, hindi para magkaroon ng prestihiyosong trabaho, hindi para kung kanino pa man. para lang sa akin, ito ang gusto kong gawin. ito ang magpapaligaya sa akin. ito ang magpapatigil sa mga paa kong laging di mapakali sa isang lugar. ito na nga siguro ang sagot.
ang tagal kong hinahap. labinlimang taon. ang layo ng narating ko, sa kabilang parte ng mundo. ang dami kong naging maling akala. ang daming luha ang iniyak ko. ang daming suka ang pinigil kong lumabas sa bibig ko. ang daming oras ang sinayang ko. paalam accounting.
nakita ko na. nadesisyunan ko na. anong gusto kong maging pagtanda ko? titser nga.
No comments:
Post a Comment