Saturday, September 17, 2011

Homesick

Naluluka na yata ako dito sa Canada. Wala namang dahilan, napapagod lang, o baka tumatanda na. Anim na taon na ako dito. Tignan mo nga, di pala anim, pito pala. Pitong taon na. Minsan naiisip ko, ano kaya ang nangyari sa buhay ko kung hindi kami umalis ng Pinas? Pero syempre, tulad ng ibang 'what ifs', wala namang kwenta ang ganitong pag iisip, wag nalang isipin.

Sa tagal ko dito, at sa tagal na panahong di ako umuuwi, di ko na alam kung ano na nga ba ang Pinas. Ang nasa alaala ko yata e yung mga gusto ko lang maalala. Masarap na pagkain, mabagal na buhay, mainit na araw, masayang mga pagkakataon kasama ng mga mahal sa buhay. Nakalimutan ko na ang hirap mag budget ng kaunting kita doon, ang sobrang traffic, ang nakatutunaw na init, ang malakas na ulan, ang baha, ang away away ng mga magkapatid. Gusto ko nalang umuwi. Maghilata ng walang iniisip. Kumain ng pagkaing hindi ako ang nagluto. Bumili ng kung anu-anong napakamumura. Maligo sa dagat. Sumakay ng tricycle. Magsuot ng bagong plantsang damit. Uminom ng coke sa plastic. Kumain ng Champ sa Jollibee, ng Bunch of Lunch sa Shakey's, ng inihaw na pusit sa Riverbanks, ng bibingka at oysters sa Via Mare, ng chicharong bulaklak sa Pathways, ng lechong manok sa Andoks, ng fishballs at manggang hilaw na may bagoong ni Mang Andy. Mag gala sa Mega Mall. Mag shopping sa Greenhills. Magkape sa Starbucks sa Greenbelt. Makipagkwentuhan sa labas kahit gano katagal, ng hindi nag iisip ng mga anak ko sa bahay, naiwang mag isa. Makinig ng Tagalog na nag uusap ng walang halong punjabi, korean, french, chinese, japanese, russian, spanish, at kung ano ano pa. Oo, ganyan ka diverse ang population dito sa Vancouver. English yata ang minority. Tagalog lang pwede?

Alam ko naman na nangangarap lang ako. Di naman langit ang Pinas. Na mi miss ko lang. Baka pag bumalik ako dun lalo akong maluka.

In fairness, marami akong natutunan dito. Naubliga kasi akong matuto. Kaya ko ng magluto ng napakaraming klase ng Pilipinong pagkain. Dati pang handaan lang ang alam kong lutuin. Kaya nung bago kami dito, parang laging may party. Spaghetti, lumpiang shanghai, carbonara, baked macaroni, mixed vegetables with shrimps and quail eggs in creamy white sauce, etc. etc. Ngayon sinigang, pakbet, palabok, adobo, bistek, nilaga, mechado, kaldereta, kahit ano yata. Of course sa tulong ni Mama, Mama Sita.

Ang galing ko na ding mag ingles. Dati-rati, ako na pala ang kausap, di ko pa alam, nakatitig lang ako. Ngayon sanay na ako sa mga ingles na iba-iba ang accent, pati sa ingles ng Canadians na para bang kinakain ang mga salita. Bat ba di nila ibuka ang mga bibig nila? Di ba sila tinuruan ng tamang English pronunciation nung elementary? Kunsabagay, ganyan na rin ang mga anak ko ngayon.

At eto ka, meron na akong sport. Lampa ako nung bata. Kunsabagay, hanggang ngayon naman. Dati noon, patintero lang di pa ako makasali sa varsity. Pang muse lang daw ang beauty ko. Pwede na rin, kesa matalo ang mababang paaralan namin dahil nadapa ako. Pero dito, snowboarder ako. O di ba? Sosyal. Pero bago ako natuto, nabali yata ang lahat ng buto-buto ko at nag kulay talong ang buong katawan ko sa dami ng pasa. Lalo yata akong napango sa dami ng 'face plants' ko sa snow. Ikaw ba naman itali ang dalawang paa mo sa tila ba kapirasong plywood. Pero sa wakas, pagkatapos ng dalawang winter, e nakakababa na ako ng bundok ng hindi natutumba. Nadadapa pa rin ako pagbaba ng 'chair lift' pero pwede na. Uubra na. Matatawag ko ng sport ko ang snowboarding. Kaya excited na ako mag winter. Di ko akalaing magagawa ko ito. Parang sa pelikula ko lang nakikita ito noon sa Pinas.

Anyway, tama na ang pagmumukmok, wala namang kahihinatnan. I'll just smile and look forward to the future. I'll count my blessings and try to share them. Wish ko lang makauwi sa Pinas. Next year talaga. Promise. See you there.

3 comments:

jeffrey said...

Hi nakiki basa lang.

I am Jeff from Calgary.

Ako din gusto ko umuwi sa pinas, masarap sa pinas eh, lalo na ang pagkain.

L Abad said...

Thanks Jeff. Good to know na may nakikibasa. I hope you enjoyed reading. Naghihinga lang ng lungkot ang homesick. Take care dyan sa Calgary. :-)

Cecille DJ said...

hahaha nakakatawa ka talaga mother!! winner ang sinulat mo. I'm so happy i found you here. Sana na-share mo ito sa akin para may konting babala man lang...
See you in the blog world