Ito talaga ang unang kailangan pag-usapan, ang klima. Kung pumunta ka na sa ibang bansa sa North America, malamang ay alam mo na at sanay ka na sa klimang ganito. Kung hindi naman, ay basahin mo itong mabuti para naman di ka magulat sa daratnan mo sa BC. Ang Canada ay may 4 seasons, sabi nga ng kanta ng ni Carole King, winter, spring, summer, or fall. Sandali nga, na o obvious ang edad ko.
Merong official dates ang simula ng bawat season. Ang winter ay nagsisimula ng December 21, ang spring ng March 21, summer ng June 21 at Fall September 21. Official dates lang ito pero syempre di naman pagdating ng mga araw na ito ay tama na ang panahon sa sinabing season. Katulad ng weather sa kahit saang lugar, di ma pe predict. Minsan ay malamig pa kahit officially summer na, o mainit pa rin kahit officially fall na.
Kahit nung nasa Pinas pa ako ay alam ko na ang 4 seasons. Di nga bat napakaraming bahay sa Pinas ang merong nakasabit sa dingding na artwork showing the 4 seasons? Pero nagsimula ko lang maintindihan ang 4 seasons nung tumira ako dito sa BC. Talagang iba-iba nga ang seasons. Di tulad sa Pinas na dalawang seasons lang, wet and dry. Kung hindi mainit, maulan.
Dumating kami sa Canada noong September 13, 2004. So kung talagang binasa mo ang simula ng post na ito, alam mo ang season nung dumating kami. O, wag kang titingin ulit sa taas, hehe. Summer pa nung dumating kami, dahil ang official start of fall ay September 21 pa. Kasama ko ang aking asawa at tatlong babaeng anak. Syempre, naghanda kami ng mabuti bago pumunta dito. Namili kami ng mga sweater (cardigan) sa Kamiseta. Ke gaganda pa naman, at medyo mamahalin. Feel na feel ko pa namang ang ganda ng suot ko. At matching pa kami ng mga anak ko. Blue ang kanila at green naman ang sa akin. Paglabas namin sa airport, naamoy ko na ang hangin. Biglang naalala ko ang mga nabasa kong Sweet Dreams books nooong teenager ako (ayan na naman, lumalabas na naman ang edad ko). Paghinga ko ng hangin dito, tulad ng sabi sa libro, crisp ang tamang description. Di pa kasi ako nakakahinga ng crisp na hangin. Sa Pinas noon parang medyo muggy o polutted ang dating ng hangin. Crisp ay malinis, medyo malamig at tila ba diretso sa utak at baga mo ng sabay. Ang sarap. Pagtapos kong hingahin ang crisp na hangin, naramdaman kong bigla ang pisngi kong parang binhusan ng malamig na tubig na tuyo. Ewan ko ba. Ang lamig. Ibinalot ko ang sweater ko sa akin, isinara ko hanggang leeg. Di uubra. Malamig pa rin. Nakakaloka.
Kaya kung pupunta ka dito, alamin mo ang daratnan mong klima. At di lang ang klima kundi ang temperatura. Nakakatawa man, talagang mahalaga. Ang madalas na temperatura ng Pinas ay nasa 32 degrees, bumababa ng 20 degrees siguro kapag malapit na ang pasko. Sa kasagsagan ng summer dito, madalas ang temperatura ay di ummabot ng 30 degrees. So kung hindi ka summer darating, ihanda mo na ang makapal na jacket panlamig. Kung wala ka namang ganon at wala ng panahong bumuli, okay lang, ang parking naman ng airport ay malapit lang. Tumakbo ka nalang sa kotse. O kaya naman ay sabihan mo ang susundo sa iyo na wala kang panlamig. Siguradong ipagdadala ka nila.
Tignan mo sa The Weather Network ang daratnan mong temperature.
Goodluck sayo!
No comments:
Post a Comment