Thursday, November 03, 2011
High Heels
Tag lamig na naman. Panahon na naman para mag boots. Ganyan talaga dito sa Canada kapag winter, di maaring wala kang boots. Di uubra ang flats o kahit closed shoes lang. Ang lamig.
Sira na ang leather boots na pinapamasok ko sa opisina araw-araw. Dalawang winter ko ding ginamit yun, sulit na sulit. Katulad ng style ng leather boots kong gawa sa Glenmore sa Rustan's Cubao noong araw, ganun din itong boots ko rito. Kwadrado ang dulo, mataba at mababa ang takong, plain ang harap. Mas mataas nga lang rito, hanggang halos tuhod. Sa Pilipinas noon ay maiksing klase lang, kundi ay baka himatayin ako sa init at tubuan ako ng alipunga.
Kailangan kong bumili ng bagong boots. At naisip ko lang nung isang linggo, panahon na siguro para magbago ako ng style. Feeling ko style ko bulok na. Iba naman. Tutal tumatanda na ako, naisip ko, "Why don't I shake it up a bit?". Mid-life crisis na yata ito.
So ito ang nangyari.
Pumunta ako sa US of A, as usual para makamura. Ang intensyon ko talaga ay bumili ng bagong boots. Bagong klase, bago sa paningin, bago sa pakiramdam. Baka mabago rin ang paunti unting dumidilim na pananaw ko sa buhay.
Inisa isa ko na ang linya linyang eskaparate ng mga boots sa department store na karaniwan kong pinupuntahan. Mas mura sana sa outlet stores kaso ang layo nun. Di kaya ng kaunting oras ko. Kay dami namang klase, nakakalito. Kinailangan kong tumigil at mag set ng criteria. Kundi ay aabutin ako ng madaling araw, baka mapagsarhan pa ako ng border at di ako makabalik sa Canada. Ang naisip kong criteria, basta kabaliktaran ng dati kong boots. Dapat tulis ang dulo, mas mataas ang takong, mas manipis ang takong, hindi plain ang harap. Nasa Canada naman ako kaya kahit ano pwede isuot. Iba rin sana ang kulay, kung pwede lang pula para talagang iba. Kaso lang ang budget ko ay pang isang boots lang, kailangang magagamit araw araw pamasok kaya itim nalang.
Yun! Nakita ko na ang eksaktong boots para sa akin. Sinukat ko. Mas mataas ang takong ng mga isang pulgada kaysa dati. 3 inches yata ito. Pero di naman stiletto so okay lang. Medyo kakaiba ang pakiramdam, ang tangkad ko yata, parang nakakadagdag ng kumpyansa, parang kayang kaya kong gawin kahit anong gustuhin ko. Ito na nga ang boots na hinahanap ko. At my buckle pa sa gilid. Great.
Sobrang excited akong nagbayad sa kahera. Itinaktak ko ang wallet ko na madispatsa ang lahat ng US $1 bills ko at mga coins. Naiipon lang sa bag ko ang mga sukli tuwing nag go grocery kami dito sa US. Sayang naman kung di magagamit.
Wow, bago ang boots ko. Happiness. Bihira akong bumili ng sapatos, mga isang beses lang isang taon, kapag talagang kailangan na. Kaya naman ganun nalang ang kasiyahan ko. Handa akong i-declare ito sa border. Pasok naman sa daily tax-free shopping limit kong $50. Murang mura.
Pagdating ko sa bahay, nilapag ko lang ang lahat ng ibang pinamili. Mamaya na sila iligpit. Isinuot ko agad ang boots. Kailangang masanay ang mga paa ko. May pasok bukas, susuutin ko na ito. Exciting. Biglang narinig ko ang mahal kong asawang tumatakbo paakayat ng hagdan. Humahangos. "Anong nangyayari?", sabi nya. Nakita nyang naglalakad akong naka high heeled boots. "Sus, akala ko kung ano na ang naririnig ko sa babang pumupukpok sa sahig. Takong mo lang pala. Wow ang seksi nyan ah."
Ayos, I got the reaction I wanted. Ang tugtog sa isip ko, "These boots are made for walking, that's just what I'll do..."
Alas syete ng umaga, palabas ako ng bahay, at saka ko lang naisip - seksi nga ang boots wala naman pala akong seksing medyas. Sports socks at puti pa. Pwede na yan, di naman makikita. Dahan dahan akong naglakad palabas ng bahay. Tinetesting ko sa kalye ang takong. Baka madulas ako. Icy na ang kalye. Umpisa palang ng Nobyembre nag si zero na ang temperature. Ano ba ito? Pero di ko ramdam ang lamig. Pakiramdam ko ay butil butil ang pawis ko sa noo sa takot kong maglakad dahil sa takong na ito. Parang pawis na din ang kili kili ko. Di bale, taas noo, diretso ang likod at balikat, diretso ang tingin. Kaya ko ito. Tila mababali ang buto ko sa binti. At parang wala ng pakiramdam ang mga maliliit na daliri ko sa paa. Hay!
At sa wakas, nakarating din ako sa bus stop. May mga upuan sana pero di kaya ng kalooban kong maupo. Baka kung sino sinong mga tao ang naupo sa mga upuang ito. Tiisin ko nalang ang mga paa kong tila wala ng dugo.
At ang bus dumating din, eksakto sa oras. Kaso lang puno, tatayo ako. Naluluha na ako. Kaya ko ito! Apat na beses akong nanganak, para high heels lang ito. I can do this. Kay rami- raming mga babaita ang naka high heels araw araw. Kay lalaking mga babaeng Canadian naka high heels. Boots pa nga ito kaya may support. Di rin stilleto. Kailangan lang ay pokus at praktis. Pagbaba ko naman ng bus train station na, at pagbaba ko ng train ilang hakbang lang ay opis ko na. Konting tiis, konting tiis.
Pagdating sa istasyon ng train, tsaka ko lang naisip, kay rami palang hagdan dito! Buti nalang may escalator. Di naman ako pwedeng tumayo lang, baka ma late ako. Ang escalator dito, walk left, stand right. Kung ayaw mong maglakad sa escalator, tumayo ka sa kanan. Sa kanan kaya ako? Hindi na. Lalakarin ko ito.
Pag upo ko sa train, talaga namang para akong nasa langit. Ang sarap maupo. Unang istasyon ako sumsakay kaya't wala pang tao ang train. What a relief. Ang ligaya nga naman ay mararamdaman mo lang pagkatapos ng paghihirap. Ang saya-sayang maupo!
Nakarating din ako sa opisina. Nang makita ko ang mesa ko ay muntik akong himatayin. Pinapalitan ko nga pala ang mesa ko nung isang linggo ng hanggang dibdib na mesa para pwede akong magtrabaho ng nakatayo, para dumiretso ang likod ko. Ngayon ay tatayo ako maghapon suot ang high heels na ito. Goodluck sa akin.
Samakatuwid, natapos din ang araw, nakauwi din ako. Naisuot ko pa ng dalawang beses ang boots dala ang pag-asang masasanay din ang mga paa ako, mga binti ko, ang isip ko. Na mawawala din ang takot sa dibdib ko, at matututo rin akong lumakad ng naka high heels, na katulad ng paglalakad ni Melanie Marquez. Pero hindi pala. I give up. Isosoli ko nalang ito sa pinanggalingan nya. Oo, ganun dito, basta't lahat ng tags ay intact, hindi marumi, at mukhang bago pa, at may resibo, pwede isoli. Mukhang bago pa ito. Sobrang bagal kong kayang lumakad nung suot ko ito. O kaya naman ay i post ko nalang sa craigslist. Lugi kung lugi, mabenta lang.
Sa mga naka high heels buong araw, araw-araw sa opisina, sa mga nagsasayaw ng naka high heels magdamag, sa mga nag gagala sa mall ng naka high heels, saludo ako sa inyong lahat. Di yan kaya ng powers ko. Baka sa ospital o sa sementeryo ako pulutin. Babalik nalang ako sa dati kong style na bulok. :-)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Thank you for joining PEBA 2011 "Any Blogger, Anywhere"
Please visit your Facebook Profile here
Tell your FB friends to like your profile!
Once Again Thank you!
Post a Comment